Malaman

Buwan ng Wika noon
At ang gulang ko’y limang taon.
Kahit ako’y musmos sa aking gulang,
Napagtanto kong hindi iyon karaniwan lang.
Maraming mga magulang na dadalo
Kaya tiyak, sari-saring pagkain ang isasalo.
Umuwi akong dala ang balita,
Umaasang sila ay matutuwa.
Gayunpaman, hindi ito ang aking natanggap,
Kundi pagtanggi lamang ang aking nasagap.
“Paano na ang pagkaing dadalhin ko
Kung walang dadalo ni isa sa inyo?”
Siyanga dapat ito’y tunay na pagkaing Pilipino
na sa Pilipinas ay kilala o katutubo.
Relyenong bangus ang naging kanilang sagot.
Naisip ko bigla ang mga tinik at ako’y natakot.
Takot ako sapagkat alam ko ring ako’y mag-iisa.
Sa isang sulok, ako’y wala man lang kasama.
Tanging relyenong bangus lang ang aking katabi
Na niluto ni Mommy, inain kong may pusong malaki.
Mula nang maranasan ang pag-iisa
Sa gitna ng mga taong nagsasaya,
Naging iba ang tanda sa akin ng pagkaing dala,
Relyenong bangus na si Mommy ang nagpamana.
Pag ito’y nasa hapag, naaalala ko ang kapanglawan,
Lalo na nang si Mommy ay lumisan.
Lumaki ako sa kanyang tahanang ‘di nagkulang
Dahil bihira sa paningin ko noon ang mga magulang.
Ang kanyang pagkalinga ay laging nasa aking isipan,
Gaya ng pagpunas ng aking luha at pagpapatahan.
Subalit, nagbago ang aking kaisipan.
Ang relyenong bangus pala ay pinagdalubhasaan.
Kaalaman sa pagluluto nito ay pinagyaman,
Pinatunayan ng talaang-aklat na aking natagpuan.
Sa silid ni Mommy ko ito nahanap.
Puno ito ng mga hakbang at sangkap
Ukol sa mga pagkaing kay sarap
Na tila umaabot hanggang alapaap
Ang diwa pala ni Mommy ay buhay pa.
Ang kanyang mga alaala ay aking sinisinta
Ang kanyang paririto ay hindi hihinto
Mananatili siya sa aking puso.
Hindi ko siya lubos makakalimutan
Sapagkat siya ang relyenong bangus na ‘di ako iniwan.