Linamnam ng Saya’t Ligaya na Hindi ko Inakala
Talagang hindi ko makakalimutan noong manalo ang grupong sinalihan ko sa isang “cook off challenge.” Hindi lang kasi basta panalo iyon. Bukod kasi sa kami yung grand winner, iyon din kasi ang kaunaunahang pagkakataon kong manalo sa isang paligsahan na may kaugnayan sa pagluluto. Ang bilis talaga ng panahon. Mahigit dalawang taon na pala ang nakalipas mula ng manalo ako sa nasabing paligsahan. Pero hanggang ngayon ramdam na ramdam ko yung magandang epekto ng pagkapanalo ko sa cook off challenge na iyon. Mayo 25, 2013 nangyari ang Kaindustriya Cook Off Challenge.
Ang premyong nakuha ko sa paligsahang ito ang naging dahilan kaya ako nakabili ng “desktop computer” na ginamit ko sa pagtuturo ng English sa mga Hapones. Ang nakakatuwa sa pagtuturo ko sa kanila gamit ang Skype account ko, naging magaan ang loob namin sa isat-isa hanggang dumating sa punto na inanyayahan nila akong pumunta sa bansa nila. Kung nanalo ako ng Mayo 25, 2013 sa kauna-unahang pagkakataon, makalipas ang eksaktong dalawang taon pagkatapos noon, isang kaganapan ang nangyari ulit sa kauna-unahang pagkakataon at iyon ay ang makapunta ako sa bansang Hapon noon Mayo 25, 2015.
Habang nakasakay ako sa eroplano noon, hindi ko mapigilang isipin kung anong pinagmulan ng kasayahang nararamdaman ko ng mga oras na iyon. Hindi ko napigilang kausapin ang sarili ko at masabing, “Isipin mo ‘yon, parehong buwan at araw nangyari ‘tong mga bagay na talaga namang nakapagbibigay ng kasiyahan sa kin? Sana, magkaroon ulit ng patimpalak kung saan masasabi ko ang kwentong pagkain ko sa maraming tao kung saan pwede ko silang maimpluwensyahan na ang simpleng nanay na tulad ko ay pwedeng makapagluto at manalo.
Hindi natapos sa masayang b’yahe ang kwentong pagkain ko, dahil ito rin ang naging daan para makilala ko ang mga taong nakakasama ko hanggang sa mga oras na ‘to sa pagtuklas ng marami pang paraan ng pagluluto. Katunayan nga nakakasama ko pa sila sa mga iba pang paligsahan sa pagluluto. Minsan kakampi ko sila minsan kalaban, pero kahit kailan hindi naapektuhan ang maganda naming samahan.
Kung labis labis na kasiyahan ang nararamdaman at patuloy na nararamdaman ko hanggang sa panahong ito dahil sa natugunan ng patimpalak na iyon ang maraming bagay na ninais ko sa buhay, masasabi kong hindi pa rin nito kayang higitan ang kaligayahan na nadarama ko ngayong alam ko na mas madali kong matutulungan ang asawa ko sa pagpapaaral ng anak namin na nag-aaral sa Centro Escolar sa kursong Dentistry.
Kalakip ng kwento kong ito ay ang hangaring maparating sa marami na hindi lamang simpleng gutom ng sikmura ang pwedeng punan ng pagkain kung hindi pati na ang mga simple nating pangarap para sa sarili at mga mahal sa buhay. Maari rin nitong punan ang pagnanasa nating magkaroon ng kaibigang may kakayahang yapusin ang ating mga kahinaan at maging masaya sa mga taglay nating kakayanan. Mga kaibigang hindi lang matatagpuan sa Pilipinas kung hindi sa ibang bansa.
Sa paglalahad ko ng kwento kong ito hangad ko na lalo ko kayong makasama sa kasiyahang nararamdaman ko. Kung kaya isinama ko na rin ang mga larawang may kaugnayan sa mga kwentong isinulat ko. Sana ay magustuhan nyo ang kwento ko at maraming salamat sa panahong ibinigay ninyo sa pagbasa nito.