Tinola
Abalang-abala si Nanay sa kusina
Malamang ang ulam na naman ay tinola
Ang sabaw na mainit, may dalang ginhawa
Lalo na at may sawsawang patis at suka.
Pinanood ko ang kanyang paghiwa
Sa bawang, sibuyas, saka sa luya.
Hinanda niya hilaw na papaya
Siyempre ang manok na siyang bida.
Una ay iginisa bawang at luya
Sunod ang sibuyas, manok ay binusa
Sa karne’y pinanuot timpla at lasa
Tiyak mawawala taglay nitong lansa.
Dinagdagan ng tubig ang karneng nagisa
Saka nilagyan ng asin na pampalasa
Winisikan niya ng kaunting paminta
Pinalambot pa sa loob ng kaserola.
Nang makuha na ang lambot na tama
Nilagay ang nahiwa nang papaya.
Binantayan pa nang hindi lumabsa
Siniguro ang apoy ay mahina.
Maya-maya’y tinawag kami isa-isa:
“Loy, Ato, Nene, halika na sa lamesa!”
Tangan pa ni Nanay ang sandok na pangkuha
Ng tinolang naisalin na n’ya sa tasa.
Tumingin si Nanay sa akin at nagwika,
“Ngayong alam mo na pagluto ng tinola,
Sa susunod naman ikaw ang maghahanda
Ng sabaw na sa aki’y dala ang ginhawa.”