Currently viewing Global Site
VisitUnited States or Middle East

Si Nanay at ang Kanyang Sinigang na Bangus sa Bayabas

By Junilo S. Espiritu|

Hindi gaanong marunong magluto si Nanay kahit laking Bustos, Bulacan. Tila hindi niya namana sa aking Impo, Nanang at Tatang ang sikreto sa pagluluto ng mga pagkain. Kabaligtaran naman niya si Tatay na tubong Baliwag, Bulacan na may angking panlasa sa pagluluto lalo na’t kapag bumibida na ang siling-labuyo sa hapag-kainan.

Dahil si Nanay ang tagapagluto sa bahay, nasanay na kami sa matabang na luto niya. Nagkakalasa lamang ito kapag ang patis, toyo, suka, o asin ay nasa amin ng harapan at naghihintay na lamang na madampot ng aming mga kamay upang gawing sawsawan o pampalasa sa matabang na luto ni Nanay.

Gayunpaman, alam kong ginagawa ni Nanay ang kanyang makakaya upang mapakain kaming anim na magkakapatid. Ang lahat ay ginaganahan lalo na’t kapag tosino na ang ulam. Timplado na itong mabibili sa palengke kaya madali na ang pagluluto nito. Sabagay, pakukuluan lang naman ito sa kaunting tubig upang mapalambot ang karne. Kapag nawala na ang tubig, saka ipipirito ito. Kapag naluto na, ibinabaon ko pa ang ulam na tosino sa mainit at bagong saing na kanin. Nagkukunwaring wala pang ulam upang makakuha ng kaunting dagdag na tosino.

Sa tuwing magluluto si Nanay na may sabaw, asahan mong nalulunod sa tubig ang karne, isda o gulay. Ang katuwiran niya sa amin, sabaw lang ay ulam na. Daanin daw sa mainit na sabaw upang maibsan ang aming gutom. Halos nasa kalahati (1/2) o isang-kapat (1/4) na kilo lamang ang kayang bilhin ni Nanay bilang pangunahing sangkap sa pagluluto dahil na rin sa kakapiranggot na kitang iniaabot ni Tatay para sa kanyang pamamalengke.

Aaminin ko na hindi ako mahilig sa pagkaing isda sapagkat magkaaway na mortal ang aking lalamunan at ang mga tinik nito. Walang palya at walang oras na di babaon sa aking lalamunan ang maliliit na tinik, dahilan upang kamuhian ko ng tuluyan ang anumang lutuing may sangkap na isda. Kahit prito pa ito, may tinik pa ring kumakawala at tila pilit na nagsusumiksik sa aking lalamuman. Kaya ang aking Nanay, walang sawa sa paghimay ng isda makakain lamang ako. Pero, ewan ko ba nga ba, kung bakit nahimay na’t lahat, may napakaliit pa ring tinik ang walang pakundangang sumasabit sa aking lalamunan.

Higit na pumukaw sa akin sa mga lutuin ni Nanay ay ang kanyang lutong “Sinigang na Bangus sa Bayabas,” lutuing-isda na pinakaiiwas-iwasan kong kainin dahil alam kong masusugatan na naman ang aking lalamunan. Ang bangus (milk fish) na mayaman sa protina, at itinuturing na pambansang isda ng Pilipinas, ay sadyang nakapagdudulot sa akin ng alalahanin. Natatakot kasi ako na baka muling matinik. Kung papipiliin lamang ako, mas gugustuhin kong kumain ng sinigang na hipon gamit ang asim na nagmumula sa kamias o sampalok o di kaya ay ang sinigang na baboy sa gabi.

Nasambit ni Nanay noon na paborito ng sinuman ang sinigang na baboy, hipon o maging isda man sapagkat ito ay labis na nakapagbibigay ng kasiyahan sa hapag-kainan ng bawat pamilya. Noong nasa Bustos pa siya, madalas na sa palayok niluluto ang sinigang nila Nanang at Tatang. Sariwang-sariwa din ang mga gulay na sangkap kaya mas ginaganahan kumain ang siyam niyang kapatid. Hindi na kailangang bumili ng bayabas sapagkat maaaring makahingi o makapitas sa punong tanim ng kanilang kamag-anak. Damang-dama raw nila ang sarap ng sinigang na bangus sa bayabas lalo na’t kapag bumibisita ang bagyo sa kanilang lugar. Naiibsan ang lamig ng kanilang katawan sa tuwing nahihigop ang napakainit na sabaw at lasang-lasa ang asim na nagmumula sa bayabas.

Nagpasama sa akin si Nanay para mamalengke sa talipapa. Dala ang isang bayong, ako ang kanyang naging tagabitbit ng mga sangkap na kailangan sa pagluluto ng sinigang. Maulan noon kaya nais niyang makahigop kami ng mainit na sabaw mula sa asim ng bayabas. Inilista niya ang mga bibilhin para walang makaligtaan.

isang malaking bangus
limang pirasong hinog na bayabas
tatlong gabi
apat na pirasong okra
dalawang pirasong kamatis
isang tali ng kangkong
isang tali ng sitaw
isang sibuyas
tatlong siling pangsigang
paminta at patis

Nang makauwi kami sa bahay mula sa talipapa, hiningi ko ang isang pirasong bayabas at dali-daling kinain ito. Ìnilabas mula sa bayong ang lahat ng napamili at nilagay sa lamesa. Tinulungan ko siyang hugasang maigi ang mga gulay habang abala naman siya sa paglilinis ng bangus. Matapos kaliskisan at tanggalin ang bituka nito, marahan niyang hiniwa ito sa anim na parte at muling hinugasan. Sinunod naman ang paghihiwa ng mga sariwang gulay na may tamang haba at laki.

Ipinakita sa akin ni Nanay kung paano niluluto ang ganitong putahe. Nasabi ko sa sarili ko na tila madali naman pala ang pagluluto nito. Nagpakulo si Nanay ng tubig na galing pa sa pinaghugasan ng bigas. Inilagay niya ang gabi at pinalambot ito. Isinunod ang hiwa-hiwang sitaw, sibuyas, kamatis, okra pati na rin ang hinog na hinog na bayabas. Nang kumulo na ito, dinurog niya ang bayabas sa loob mismo ng kaserola gamit ang sandok. Matapos nito, pinakawalan ang isang malaking bangus na nahahati sa anim na parte. Inilagay ang siling pangsingang na paborito ni Tatay at pinakuluan sa sampung minuto. Tinimpalahan ng patis at paminta at saka huling inilagay ang kangkong. Tinakpan at hinayaang kumulo ng tatlong minuto. Pagbukas ng takip ng kaserola, nagpakawala ito ng mabagong amoy na tila nagyayaya, na malasap agad ang linamnam nito.

Nang maihain na ito sa hapag-kainan, dali-daling kinuha ng aking kapatid ang ulo sapagkat ito raw ang may pinakamasarap na bahagi ng isang bangus. Bagamat walang gaanong laman ang ulo nito, malinamnam daw ito. Miski ang mata ng bangus ay walang pakundangang kinain. Ang iba ko namang kapatid ay nakikipag-unahan sa tiyan ng bangus. Buntot naman ang tila ayaw ng lahat sapagkat bukod sa matinik ito, halos kakapiranggot lamang ang laman. Pero ang higit na kapansin-pansin ay ang sabaw na hitik na hitik sa gulay. Sabi nga ni Nanay, sabaw lang ay ulam na. Nakabubusog din daw ang mainit na sabaw lalo pa’t pinasarap ito ng asim mula sa bayabas. Kung nakagawian ng ibang kapitbahay ang magsigang ng baboy o hipon, bangus lamang ang kaya naming isigang sapagkat ito ang pinakasapat sa aming badyet. Pinakamasarap daw itong kainin sa panahon ng tag-ulan.

Pinaghimay ako ni Nanay ng bangus, inalis ang maliliit na tinik para makakain ako ng maayos. Tulad ng Tatay ko, kinuha ko rin ang siling panigang at hindi pa nakuntento ay umirit pa kami ni Tatay kay Nanay ng siling labuyo. Dinurog ang mga sili, nilagyan ng kaunting patis at inilagay sa mangkok na nag-uumapaw sa sabaw. Sa pagkakataong ito, masasabi kong sumarap na ang luto ni Nanay. Pero higit sa lutong iyon, sabaw lamang at ang sahog na gulay ang kinain nila ni Tatay. Pinaubaya sa aming anim na magkakapatid ang isang bangus na hiniwa sa anim. Totoong masarap ang bangus, pinangungunahan lamang talaga ako ng takot na matinik lalo pa’t nasa elementarya pa lamang ako noon.

Naisip ko na bagamat hindi pang-kusina o matatawag na kusinera ang aking Nanay, inuuna pa rin niya kaming magkakapatid makakain lamang sa tamang oras. Kahit wala silang parte sa naluto o naihaing ulam, basta may sabaw, naitatawid pa rin nila ni Tatay ang tanghalian o hapunan na may laman ang kanilang mga tiyan. Sabagay, palagi naman nilang binibida sa amin ang kanilang kahirapan noong sila pa lamang dalawa at wala pang mga anak. Sanay na sanay sila sa pagkaing kulang sa pangunahing sangkap basta’t nag-uumapaw sa sabaw.

Sa tuwing tag-ulan, malamig ang panahon o bumabagyo, ang sinigang na bangus sa bayabas ang naiisipan naming ipaluto kay Nanay. Alam niyang nasasarapan kaming magkakapatid sa lutong ito. Wala naman akong dapat ikabahala sapagkat naririyan palagi si Nanay upang ipaghimay ako. Hitik sa sangkap na gulay, maliit na parte ng bangus, sili at naglalawang sabaw sa kanin, ay tunay na nakapagbibigay sa amin ng kasiyahan.

Kahit nakapagtapos na ako ng pag-aaral at nagtatrabaho na, pinaghihimay pa rin ako ng aking Nanay ng anumang lutong isda lalo na’t kung sinigang na bangus sa bayabas. Kung ginagabi naman ako sa pag-uwi ng bahay, asahang may maliit na mensahe akong daratnan sa lamesa. Madalas na ang sulat ng aking Nanay para sa akin ay nakapatong sa ibabaw ng plato na ginawang pantakip sa ulam.

“Jonjon, anak… matutulog na ako at hindi na kita mahihintay. Pinagluto kita ng sinigang na bangus sa bayabas. Tinanggal ko na rin ang mga tinik nito. Init mo na lamang ang ulam para makahigop ka ng mainit na sabaw. Nagmamahal, Nanay.”

Hindi nakakaligtaan ng aking Nanay ang maglagay ng mensahe tuwing gabi. Kahit anong ulam o putahe, magtatabi siya ng ulam para sa akin sapagkat alam niyang kahit gabi na ako nakakauwi ay kakain pa rin ako. Ang mensahe na iniiwan niya sa akin gabi-gabi ang maituturing kong secret recipe ni Nanay sa pagluluto. Nalalanghap ang walang sawang pagmamahal, natitikman ang tunay na pag-aaruga kahit hindi na ako bata o musmos, at patuloy na binubusog tulad kung paano niya ako pinadede noong sanggol pa lamang ako. Napagtanto ko na marunong at masarap naman pala magluto si Nanay. Punong-puno ng sangkap ng pagmamahal at kung tutuusin pa nga ay umaapaw tulad ng mainit na sabaw.

Wala na sila Nanay at Tatay. May kanya-kanyang pamilya na rin ang aking mga kapatid. Pero ang sinigang ni Nanay ay hindi ko kailanman malilimutan. Pero, paano at saan nga ba nagsimula ang sinigang?

“Napag-alaman ko na ang sinigang ay kinakain na ng ating mga ninuno nating Malay bago pa dumating ang ating mga mananakop. Mga isda at mga lamang dagat ang unang pangunahing sangkap sa pagluto ng sinigang sapagkat nakatira ang ating mga ninuno malapit sa mga lawa, dagat, ilog at anupamang anyong tubig. Upang mabawasan ang lansa ng pagkain, ginagamit ang mga pampaasim tulad ng kalamansi, sampalok, kamias o anumang citrus sapagkat wala pang suka noon na maaaring gamitin. Wala ring pinipiling rekado ang sinigang dahil kahit anong gulay ay puwedeng isahog, ang mahalaga ay ang asim daw nito.” [‘Pinas Sarap’]

Matagal ko na ring hindi natitikman ang sinigang na bangus sa bayabas ng aking Nanay. Ngayong may asawa na ako, nais kong subukang lutuin ito at ipalasap ang sarap nito sa aking asawa at mga anak. Napagluto ko na ang aking pamilya ng sinigang na baboy at sinigang na hipon. At dahil mahilig sa isda ang aking mga anak at asawa, nais kong masubukan ang sinigang na bangus sa bayabas. Bibilhin ko ang lahat ng sangkap at muling isasabuhay kung paano ko ito unang nakitang iluto ni Nanay, may apatnapu’t taon na ring nakalilipas. Tamang-tama at maulan ngayon, napakasarap maihain ang ganitong pagkain. Sa pagkakataong ito, ang asawa ko naman ang maghihimay ng bangus para sa akin tulad ng ginagawa ng aking mahal na Nanay.