Currently viewing Global Site
VisitUnited States or Middle East

Sekretong Sangkap

By Abigael Nuarin|

Hindi ang tilaok ng manok ang siyang gigising sa amin sa madaling araw, kundi ang tunog ng biniyak na niyog na dadampi sa nguso ng kudkuran. Tanda na isang putaheng hindi lang siksik sa sustansiya, binalot pa ng pagmamahal, ang siyang bubungad sa pagdungaw sa hapag-kainan tuwing tanghalian. Pilit mang muling isara ang mga mapupungay na mata, ang katawan naman ay tila binubuhat ng samyong nagmumula sa kusina. Hinihila ang aming diwa, ng samyo ng mga sekretong sangkap.

Kami ay napasailalim na naman sa mahikang dala, ng mga sekretong sangkap ng luto ni Mama. Kaya’t bumangon na! Hindi na kailangan ang utos upang kumilos, sapagkat isang premyo ang agad na pagtikim sa luto ni Mama. Minsan ay ‘di na mahintay na sumapit ang alas dose. Uupo sa mesa, magmamasid, at pagkuway, ngunguso.

Nagbabakasali nang matikman ang nakahain sa hapag-kainan.

Kakang-gata, sariwang luya, mga pampalasa, dagdagan pa ng siling labuyo, para sa umaatikabong anghang na kikiliti sa iyong dila kapag ito’y natikman. Balaw (maliliit na hipon) o kanduli (isang uri ng daing) sapat na upang magkaroon ng dagdag na lasa ang espesyal na handa sa mesa. Lilibutin ni Mama ang bakuran, mamimitas ng sariwang dahon ng gabi, mula sa taniman ni Papa. Ang mga dahon ng gabi ang babalot sa iba’t ibang pampalasa at itatali gamit ang isang linya ng dahon ng niyog. Kapag nabalot na ay iluluto sa kakang gata gamit ang mahiwagang palayok o kaldero. Ang lakbaying ito ang bubuo sa espesyal na ‘Pinangat’ ng aming butihing ina.

Ang pinangat ay isa sa mga putaheng magpapakilala sa mga Bikolano, partikular sa bayan ng Camalig, Albay, kung saan ay ipinagdiriwang din ang Pinangat Festival.

Minsan mang nagiging mapaminsala si Daragang Magayon (Bulkang Mayon) tuwing ito ay nagngangalit, hatid naman nito ang lupa na sagana sa nutrisyon, na siyang pataba sa mga pananim. Kung kaya’t kahit saan ay nabubuhay ang mga gabi, lalo na sa mga bayang malapit sa paanan ng bulkan, kung saan kabilang ang bayan ng Camalig. Ang dahon ng gabi, ang siyang namumukod-tanging sangkap na hinding-hindi nararapat na mawala kapag narinig ang lutuin na “Pinangat.” ‘Di man nagmula sa Camalig ang aming ina, tila ba’y napalapit na ang kaniyang puso sa lutuing ito. Marahil ay ito ang espesyal na handog ni Papa kay Mama, tuwing ito ay aakyat ng ligaw, bilang ito ay tubong Camalig.

Kung ikaw ay mapadpad sa bayang ito, hula ko, ikaw ay malilito, kung saan at kanino bibili ng ‘Pinangat’, sapagkat saan mo man ituon ang ‘yong mga mata, mamamasdan mo sina Ale at Manong na nagtitinda. Hindi lang sa bayang ito nakilala ang putaheng ito, ngunit maging sa mga karatig-bayan ay mariringgan ang mga katagang “Pinangat”, “Pinangat”, “Pinangat”, mula kay Manong habang bitbit ang kaniyang tinda.

Ang sikat na lutuin ding ito ang hindi nawawala sa mesa ng pamilya tuwing sasapit ang fiesta at Mahal na Araw. Isa ito sa mga handog na kabilang sa ‘Pasusngaw’, isang uri ng tradisyon kung saan naghahain ng mga pagkain sa may altar, upang magsilbing pagkain daw ng mga yumaong mahal sa buhay. Sa mga pagdiriwang na ito, tinatampok ang timpla ni Lola. Isang timplang naipamana ni Lola sa kaniyang mga anak na mapahanggang sa ngayon ay lumalaganap pa rin. Isa rin ang luto ni Lola sa mga masasarap na timplang natikman ko. Ngunit, sa dami ng mga espesyal na timpla na aking natikman, wala pa ring hihigit sa timpla ni Mama, dahil hindi lang ito isang simpleng putahe na ubod ng sarap, may dagdag pa itong sangkap, ang pagmamahal, na ngayo’y hindi na isang sekreto.