Currently viewing Global Site
VisitUnited States or Middle East

Satti’ng Paggising

By John Benvir M. Serag|

Hanap mo ba ang isang almusal na kapag tinikman mo, tiyak na magigising ka sa sarap at anghang? Isang pagkaing sinasabing hango sa elemento ng diyablo? Sa timog-kanlurang bahagi ng Pilipinas, may isang putahe na kinagigiliwan ng mga tagaroon dahil sa angking linamnam nitong swak na swak sa panlasang Pinoy. Ito ang satti, ang tinaguriang pampagising ng mga taga-Zamboanga.

Saan nga ba nagmula ang satti? Ayon sa ilang kuwento, may isang negosyanteng Pinoy mula sa Malaysia ang nagdala ng putaheng ito sa lungsod ng Zamboanga noong 1970s. Kapansin-pansin naman ang pagkakahawig nito sa satey o sate ng nasabing bansa. Nagmula ang satti sa salitang shatein, isang Hindu-Arabic na salita na nangangahulugang pagkain ni Shayta (Satanas para sa mga kapatid nating Muslim). Inihahalintulad ang anghang ng satti sa init ng impiyerno at kakulay naman nito ang asupreng matatagpuan sa lugar na iyon.

Sa unang tingin sa pagkaing ito, mapapansin na hindi tipikal na itsura ng isang almusal ang satti. Inihahain sa isang mangkok, nakababad sa mamula-mulang sarsa at sabaw ang inihaw na karne ng manok o atay. Karaniwan ding sinasawsaw kasabay ng karne ang tamuh, o madikit na kaning nakabalot sa dahon ng niyog. Kakaiba man ang itsura nito sa tipikal na mga pagkaing pang-almusal, sigurado namang magigising ang katawang lupa ng sinumang titikim dahil sa malalasap nitong tamis-anghang na lasa.

Natatamasa ang linamnam ng satti dahil sa mabusising paghahanda ng mga tagaluto at tindera nito. Hindi pa nga sumisilip ang araw ay naghahanda na sila sa pagbubukas ng kanilang tindahan. Bago pa man ihawin ang karne, ititimpla muna ito sa asin saka itutusok sa patpat o barbecue stick. Masinsinan din ang paghahanda para sa sabaw na siyang itinuturing na pangunahing elemento ng putaheng ito. Ang sabaw ay mula sa pinaghalong sarsa at pamapa.

Ang pamapa ay inihahanda sa pamamagitan ng paggisa ng iba’t ibang sangkap at pagkatapos lutuin ay iginigiling para pumino ang kanyang pagkakayari o texture. Ang sarsa naman ay mula sa pinaghalo-halong sangkap—tulad ng asukal, harina, kari, pampakulay, at almirol na mais o corn starch–na pinatunaw sa tubig. Ihahalo sa kawaling may mainit na tubig ang pamapa at ang sarsa. Kung ito ay malapot na, handa na itong isabaw sa inihaw na karne.

Kung tutuusin, ang pagkaing ito ay ordinaryong karne lang ng manok o baka. Ngunit, nagiging pambihira at lampas sa ordinaryo ang lasa nito dahil sa sarsa at sabaw nito. Kahit na hango ang pangalan ng pagkaing ito sa nilalang sa impiyerno, hindi rin naman ganun katindi ang anghang. Tama lang ang timpla ng tamis at anghang nito kaya gustong-gusto ito ng mga tao. Hindi lang sila nagigising sa umaga, napapangiti pa sila sa sarap. Umaga pa lang, buo na ang araw mo dahil satti ang naging almusal mo.

Sa katotohanan, taliwas sa pinagmulang kuwento ng diyablo nito, nagsisilbing simbolo na ang satti ay pagkakaisa ng iba’t ibang relihiyon. Isa sa magagandang tanawin sa lungsod ang mga kainang puno ng mga taong kumakain ng satti, mapa-Kristiyano, Muslim o ibang relihiyon man ito. Halal ang pagkakagawa ng mga sangkap ng satti kaya kahit sino, pwedeng tumikim nito.

Salamin ng lungsod ng Zamboanga ang satti. Katulad ng mga sangkap nito, ang lungsod din ng Zamboanga ay mistulang paghahalo-halo ng iba’t ibang kultura at nagpapamalas ng pagkakaisa ng iba’t ibang uri o tribo ng tao. Talaga nga namang pambihira ang kinalabasan ng lungsod. Tamang-tama ang timpla ng lungsod. Katulad ng satti, ordinaryong lungsod man ang Zamboanga, pinasasarap naman ito ng sarsang mula sa pinaghalo-halong pagkakakilanlan at kultura.

Sa pagdayo sa lungsod, huwag palalampasin ang pagkakakataong matikman ang espesyal na pagkaing ito. Tiyak na magigising ka sa sarap at anghang nito. Hindi lang iyon, magigising ka rin sa katotohanan ng gandang ipinagkakaloob ng lungsod ng Zamboanga.

Kung satti ang nakahain, tiyak na magdadala ito ng kakaibang sarap satti’ng paggising.