Currently viewing Global Site
VisitUnited States or Middle East

Pandesal… Ang Tinapay ng Buhay

By Lolita B. Ocampo|

Ang Pandesal ay ang pinakakilalang lokal na tinapay sa Pilipinas. Galing ito sa salitang Espanol na ang ibig sabihin ay “tinapay na may asin,” dahil ang pangalang ito ay nagmula sa ika-labing anim na siglo ng Kolonyal na panahon ng Espana. Ang pandesal ay parte na ng hapag kainan ng bawat pamilyang Pilipino sa almusal. Kaya naman karamihan sa mga bakery sa buong bansa, mula sa maliliit na negosyo sa bahay hanggang sa malalaking pagawaanng tinapay ay itinitinda ang tinapay na ito.

Ang pandesal din ang nagpabago sa buhay namin sa panahon ng pandemya. Madalas na biruan sa bahay namin na magtatayo kami ng isang negosyo at dahil nakahiligan ko gumawa ng mga keyk, madalas sinasabi ni Gabe, ang pang-apat kong anak na magtatayo kami ng panaderya at pupunuin namin ito ng mga keyk na niluluto ko. Wala akong pormal na pag-aaral sa pagluluto ng keyk. Natuto lang ako sa pagsunod sa mga video ng mga nagluluto ng mga ito. Sinusundan ko lang ang mga ito at sa awa naman ng Diyos nagiging maayos naman ang mga niluluto ko. Kung minsan ibinebenta ko rin ang mga ito kapag merong gustong bumili pero hindi ko sineryoso ang pagtitinda nito dahil meron naman akong trabaho. Hindi ko rin sya mapagtuunan ng panahon dahil pagod na rin ako sa pagtatrabaho. Nagagawa ko lamang iyon sa bakenteng oras ko.

Si Gabe naman ay isang Sped Teacher. Ito ang kurso na kanyang kinuha dahil gusto nyang sumunod sa yapak ko bilang isang guro. Sped ang kinuha nyang major dahil ito ay sikat at malaki daw ang kita. Sya rin ay kumukuha ng Masters in Childhood Education sa UP Diliman. Nais nya maging dalubhasa sa pagtuturo dahil meron din syang plano na mangibang bansa. Huli syang nagtuturo sa isang pribadong paaralan sa Cubao ng mga batang elementary. Wala sa hilig ni Gabe ang magbake, pero marunong naman sya magluto. Natuto lang din sya sa panonood sa akin na magluto. Pero dahil abala sya sa pagtuturo wala rin syang panahon upang subukan na magbake kahit nararamdaman ko na gusto nya itong gawin.

Nang dumating ang pandemya ng Covid 19, maraming negosyo ang naapektuhan at isa na dito ang paaralan kung saan nagtuturo si Gabe. Dahil kakaunti lang ang nag-enroll sa kanilang paaralan, napilitan ang may-ari napiliin lang magturo ang mga matatagal na sa kanila. Isang taon pa lamang nagtuturo doon si Gabe kaya isa sya sa natanggal. Dahilan sa lagi lang sya nasa bahay at di naman makalabas para humanap ng trabaho, naging daan ito upang subukan nya ang isang resipi ng keyk na nakita nya sa isang cook book. Syempre pinatikim nya sa amin ang unang luto nya at masarap naman ito hanggang sa nasundan pa ito ng iba’t ibang pang uri ng biskwit, pie at tinapay. Isang araw nasabi ko sa kanya bakit hindi nya subukan gumawa ng pandesal. Tinanong nya ako bakit ako daw hindi sumusubok gumawa ng pandesal. Sagot ko sa kanya hindi ko ito ginagawa dahil ayoko ng nagmamasa, madali akong mapagod. Isang araw sinubukan nga nya gumawa ng pandesal. Masarap naman ang gawa nya pero dahil ito ang kanyang unang subok, hindi naging perpekto ang kanyang gawa. Marami kaming naging pagtatalo sa lasa, lambot, bigat, kulay at hugis ng pandesal nya. Nahihirapan sya tumanggap ng mga puna mula sa amin. Pero sa kabila ng mga puna namin, buong puso pa rin ang suporta naming sa kanya.

At dahil dito nabuo ang plano nya na gawing negosyo ang paggawa ng pandesal. Dahil sa ako ay ina, kahit na ayaw ko na maging isa syang panadero at iwanan ang pagtuturo, sinuportahan ko ang kanyang nagsisimulang hilig sa pagluluto ng pandesal.

Noong July 10, nagsimula si Gabe mag-alok ng kanyang gawang pandesal sa kapitbahay. Nagustuhan naman nila, masarap, malambot at malasa kahit walang daw palaman. Dahil dito lalo syang naengganyong ituloy ang plano nya na gawing isang maliit na negosyo ang paggawa ng pandesal. Hanggang sa nadagdagan na ang kanyang ginagawa araw-araw. Ang mga unang araw na sya ay nagbebenta, nakakarinig sya ng mga puna mula sa mga mamimili nya. Ginagawan naman nya ng paraan para mabago ang lasa hanggang sa nakuha rin nya ang tamang timpla. Bilang nanay ni Gabe, gusto kong ibigay lahat ng suporta na maari kong ibigay sa kanya kaya naghanap kami ng malaking hurno dahil ang ginagamit namin na pambahay ay di na kaya ang dami ng pandesal na ginagawa namin sa araw araw.

Bumili kami ng malaking hurno at iba pang gamit sa paggawa ng pandesal para mas mapadali at marami syang magawang pandesal. Maaga syang gumigising upang magsimula gumawa ng pandesal at ako ang katuwang nya. Ang Ate Gen naman nya ang tumutulong sa kanya upang ialok ito sa online.

Dahil sa nakita kong sakripisyo ni Gabe upang matupad ang kanyang pangarap, ngayon ko naiintindihan kung bakit dapat bigyang halaga at suportahan ang mga maliliit na negosyo. Si Gabe naglalakad ng 30 minuto makapunta lang sa palengke kung saan sya makakakuha ng murang sangkap para sa kanyang pandesal. Wala kasi siyang masakyan na pampubliko dahil sa ipinagbabawal pumasada ang mga jeep ngayong may pandemya, kaya kahit maglakad sya ng malayo mabili lamang niya ang mga kakailanganin nya, hindi nya ito alintana. Umulan at umaraw inihahatid nya ang mga pandesal sa mga bahay-bahay, kaya ganun na lamang ang tuwa ng kanyang mga mamimili dahil hindi na sila kailangan pang dumayo sa malayo para bumili ng pandesal. Hindi nya alintana ang mga sasabihin sa kanya ng ibang tao, sya na isang dating guro na ngayon ay nalalako ng pandesal. Alam kong, katulad ni Gabe, ang iba ring mga naghahanapbuhay ay malaki ang sinasakripisyo para lamang sa kanilang mithiin na makapaghanapbuhay para sa pamilya.

Ang Pandesal ang tinapay ng buhay na syang nagsalba sa kawalan ng trabaho ni Gabe. Sa dating 50 pirasong pandesal na ginagawa nya araw araw, ito ay lumago na sa 300-350 sa isang umaga. Alam kong darating ang araw na magtatagumpay si Gabe sa bagong yugto ng kanyang buhay bilang isang negosyante ng pandesal.

Nakakatuwang isipin na hindi lang naibsan ang kagustuhan ng mga tao sa aming Barangay na makakain ng mainit na pandesal kahit hindi na umalis ng bahay dahil sa takot sa Covid 19, natutunan din ni Gabe makipagkapwa tao at makilala ang mga ka-barangay namin. Totoong ang Pandesal ang tinapay ng buhay, pinalalago nito ang pagkakapitbahayan at pagsusuportahan ng mga kalapit bahay. Salamat sa Diyos sa PANDESAL… ang tinapay ng buhay.