Pagsubok ng Buhay sa Sinubukang Tulya
Magandang araw po. Villa Amor Loresca. “Amy” na lang po ang itawag ninyo sa akin. Lumaki sa simpleng buhay.
Hayaan ninyong ikwento ko sa inyo ang buhay namin nong ako ay bata pa. Siyam po kaming magkakapatid at pangalawa ako sa bunso. Tandang tanda ko pa sa dami naming magkakapatid talagang masasabi ko pong salat kami sa masasarap na pagkain.
May aplaya po sa amin at dagat. Ang gawa ko po sa murang edad, naliligo ako sa dagat sabay panguha ng tulya. Ang saya habang naliligo may nakukuha pa akong para pang ulam namin. Pag uwi ko, yun ang iluluto ng nanay ko. Magpapakulo siya ng tubig habang nakababad muna sa isang palangganang may tubig. Pagkulo, ilalagay niya sa isang kaldero at lalagyan ng asin at pinukpok na bawang, sabay ilalagay yung tulya at hihintayin bumuka isa isa. Simpleng ulam, pero masaya naming pinagsasalusaluhan.
Sa ngayon po ay wala na ang aming mga magulang. May kanya kanya na rin kaming pamilya pero sa tuwing kami po ay magkakasama-sama, napapagkwentuhan pa rin ang naging buhay namin noong araw. Sana po ay nagustuhan ninyo ang aking simpleng kwento.
Mabuhay po ang Lutong Pilipino.