Pagkain, Ang Bumuhay sa Amin

Kahit hindi mo kakilala, kung nagkakaisa kayo sa mga gustong pagkain ay magkakasundo rin kayo. Iilang tao, isang pamilya, isang angkan, isang bansa, kahit ilan man iyan ay kung magkakasundo sila sa pagkain ay magkakasundo na rin silang lahat.
Pagkain. Pagkain ang bumuo sa kulturang Pilipino. Marami mang pulo at iba-iba man ang pangkat ng tao, nagkaisa pa rin tayong lahat dahil sa pagkain.
Kung pagkain ang pag-uusapan, siguro ay napakasaya maging Pilipino. Sa lawak ng kulturang Pilipino ay sa buong buhay ko, hindi ko pa nalalasahan ang lahat ng dapat kong matikman, ang ipinagmamalaki ng bawat lugar. Hindi pa man din kami mapaglakbay. Pero kahit na hindi pagkaing Pilipino, nakikipagsabayan pa rin tayo. Hindi dayuhan ang Pilipino sa makadayuhang panlasa, halos apat na siglo ba naman tayo nasakop ng tatlong magkakaibang dayuhan, magkakaibang kultura, magkakaibang pagkain. Mahilig pa man din tayong mga Pilipino sa mga produktong imported. Mahilig talagang kumain ang mamamayang Pilipino, lahat ay sinubukan, lahat ay tinikman, mula sa mga pangkaraniwan at pangaraw-araw hanggang sa mga kakaiba at exotic, subok lang nang subok, kain lang ng kain, basta’y magustuhan natin ay ating kakainin.
Kahit sa bahay, pagkain pa rin ang laman ng kalahati ng usapan naming lahat. Kung ano ang magiging ulam sa susunod na araw, at sa susunod, at sa susunod. Kapatid ko, tanghalian pa lang ay tinatanong na kung ano ang kanyang magiging agahan. Hindi naman ako nag-aagahan tuwing may pasok, kaya para talaga sa kanya ang tanong na iyon. Isang buwan bago ang kaarawan ng isa sa amin, tinatanong na ng tatay ko kung ano ang gustong ihanda. Ako, bahala na, basta’t may manok at pasta. Kapatid ko, nako, chicken a la king. Sila naman, bahala na daw. Sarili daw nilang diskarte. Minsan lang namin naipagdiwang ng maayos ang kaarawan ng aming magulang, tulad nung ikalimampung kaarawan ng aking tatay.
Hindi lang basta lamang tiyan ang pagkain sa aming pamilya. Ito rin ang nagtaguyod sa aming pamilya, kung paano nataguyod ng mga magulang ko ang dalawa nilang anak, dahilan kung bakit nasusulat ito. Nagpapatakbo ng buhay at nagtataguyod ng iba pa ang pagkain.
Simulan natin ang mahaba-habang kwento.
Bago daw ako maluwal sa mundong ito, dumanas ng taghirap ang aking mga magulang. Wala daw ako halos pangdiaper, lahat ng mga esensyal na kailangan ng isang sanggol. Sila ay nakahiram ng P40,000 sa ngayon ay yumao nang lolo, ang ama ng tatay ko, si Lolo Mario, na noon din ata’y retirado na pero umuulan pa rin ang dami ng pera. Nakatanggap daw sila ng catering services (mayroong kagamitang pangcatering ang aking tatay) na dalawang daang tao lang naman ang hahainan. Ginawa daw ang catering sa Olongapo ng dalawang araw, at kinailangan daw nila na iwan ako sa mga pinsan ko na halos kapitbahay na namin. Paglipas ng dalawang araw, sa pagkakaalala ko’y nakakuha rin daw sila ng P40,000 at nadatnan akong puro peklat ang buong katawan. Naiyak daw ang aking nanay sa nangyari sa akin, halos papakin na ng lamok. Kaya daw ako pinagsuot mula noon ng pajama, para daw hindi na ulit ako papakin ng lamok. Hindi na rin daw pinabayaran ng aking lolo ang P40,000 na pagkakautang ng aking mga magulang, sa paniniwalang mas kailangan ito ng aking nanay at tatay.
Isang taong matapos, nailuwal na rin ang aking kapatid. Dahil matanda na sila nung ikasal (37 ang aking tatay, 36 ang nanay), inirekomenda ng kanilang Ob-Gyne, ang aming tita, na ipagsunod kami ng aking kapatid, at tigil na. Dalawang anak, parehong caesarean. Hindi rin kami batang breastfed dahil daw walang sustansya ang gatas ng aming nanay, kaya kami ang di-bote na bata. Hanggang bote lang ako, noong pinilit akong uminom ng gatas sa baso ay halos magkandadeliryo ako, pinilit ako ng matagal-tagal para lang mapainom ako ng gatas, pero hindi na muling naulit.
Limang taon ako, naaalala ko na may karinderya silang itinayo, pang-umagahan ng mga tricycle driver sa amin. Doon na rin kami kumain ng agahan. Tinapay at spaghetti ang naaalala kong kinakain, pero sabi din nila’y nagpapalaman ako noon ng bagoong. Hanggang ngayon ay hindi ko lubos na maisip na kumain ako ng tinapay na may palamang bagoong. Hanggang sa, alam ko’y unang baitang ako sa elementary, nagsarado ang kanilang karinderya. Nagkandaabono na sila, napilitan tuloy isara. Mga nawalang ala-ala ng karinderya, iyon lang ang umiikot sa akin magpahanggang ngayon. Pero, naisip ko rin, malipas na ang mga taon, na tama lang ang kanilang desisyon, kung hindi ay baka namalimos na kami noon. Nawala na ng tuluyan ang karinderya matapos naman ipagiba ang bahay kung saan ito nakakabit, ang bahay raw ng Nanay Ising, ang dati’y may library, dating tahanan ng aking nanay, pinagiba dahil sa anay.
Nawala na ng tuluyan ang karinderya, pero mayroon pang palengke. May pwesto ang aking tita sa palengke (tindahan ng karne), kung saan nagtatrabaho ang nanay ko tuwing Huwebes at Linggo, kung tama ang naaalala ko. Nakakapag-uwi daw siya ng mahigit P2,000 kada isang shift. Kasabay nito ang paminsa’y catering ng tatay ko, pag-aayos ng bulaklak, at ng iba pang sideline ng tatay ko. Iba talaga ang tatay ko.
Kung mag-ulam kami ay ganito: isip ng pagkain para sa ganitong araw, tapos ganoon ulit, at kung maraming natira, sa susunod na mga araw, hanggang sa maubos, tapos mula sa taas. Kaya lagot ang buong pamilya kapag Pasko na. Maraming lulutuin, maraming matitira, sunod-sunod na araw hanggang sa magsawa. Bigyan ko kayo ng halimbawa.
ADOBO
Sangkap:
- Baboy
- Toyo
- Suka
- Bawang
- Asin
- Paminta
- Tubig
Pagluluto:
- Pakuluan sa tubig, suka, asin, at paminta ang baboy hanggang sa lumambot.
- Ihiwalay ang sabaw sa baboy; prituhin ng bahagya ang baboy.
- Dagdagan ng toyo (depende sa panlasa).
- Ilagay ang natitirang sabaw.
- Muling pakuluin.
Mahilig talaga ang Pilipino sa adobo. Suki ng hapag-kainang Pilipino, pinaghandaan man ng matindi o napagisipan lang lutuin. Maraming klase ng adobo, halos kada pamilya ay may ibang bersyon ng adobo. Masabaw man o mamantika, mas maasim man o mas maalat, sangkap man ay baboy, manok, kabayo o sitaw (di kaya’y pinaghahalo-halo), basta’y may toyo at sukang pinagisa ay adobo iyan. Madalas na kasama ng kanin, suka, patis at kamatis.
Ampalaya con Itlog
Sangkap:
- Ampalaya
- Sibuyas
- Kamatis
- Bawang
- Itlog
- Toyo
- Asin
Pagluluto:
- Unang igisa ang bawang, sibuya,s at kamatis.
- Isunod ang ampalaya.
- Maglagay ng asin at toyo (depende sa panlasa).
- Idagdag ang itlog.
Sabihin natin na ang dalawa ay iniluto sa isang gabi. Hindi iyan tatantanan hangga’t hindi pa nauubos ng buong pamilya. Ito ang sistema ng buong pamilya, pati na siguro ng ibang pamilya, upang makatipid sa pera.
Ituloy natin ang naudlot na kwento.
Sasabihin ko nang swerte ako sa kinabibilangan kong pamilya. Sa nanay ko, puro mahilig mag-eksperimento sa pagkain ang mga tao. Mula sa chili crab ng aking tita hanggang sa pamatay na barbecue ribs ng aking tito, na nahanap niya lang daw sa Internet. Sa aking tatay, may tita din akong may catering services. Sa mga kakilala nila, isa na ang mga naging tita ko (anak ng kanilang naging ninang sa kasal) ang nagmamay-ari ng sikat na tindahan ng kakanin at Pansit Malabon. Isa pa ang nakilala ng aking nanay sa choir, magaling sa mga lutong oven. Kapag may nagdiwang ng kaarawan, masaya. Puro pagkain. Kapag hindi lutong bahay, sa labas, libre ng may kaarawan. Hanggang ngayon, ito ay itinutuloy, para minsan naman sa isang buwan o sa isang taon ay magkatagpo-tagpo kami lahat, mag-usap, mag-tawanan, inuman, at laro at harot at maki-WiFi (sa mga adik sa Internet).
Bago ako may makalimutan, babanggitin ko na ang tita ko. Nakilala daw siya ng aking tatay dahil sa nanay ng aking nanay (lola ko), kumare siya ng aking lola, at inirekomenda na tumulong sa aming catering services at gumawa minsan ng mga gawaing bahay. Hanggang ngayon, dumadalaw siya dito at maglilinis-linis, magluluto, at lahat ng pwede niyang gawin. Kasama na ang lagi naming ipinapagawa: kung hindi shanghai, torta. Bakit? Una raw sa lahat, matrabaho ito. At, wala silang oras para gumawa nito. Baka sadyang hindi sila magaling dito, hindi naman ako sigurado.
Torta
Sangkap:
- Giniling na baboy
- Patatas
- Bawang
- Sibuyas
- Sili
- Itlog
- Dahon ng saging
- Asin
Pagluluto:
- Igisa (lagi naman) ang bawang, sibuyas. Isunod ang giniling at patatas. Ihuli ang sili.
- Palamigin ang giniling
- Magbate ng itlog at ilagay sa giniling na nakalagay na sa dahon ng saging
- Ipirito.
- Kumuha ng plato, baligtarin ang torta, at magdagdag ng itlog.
- Muling ipirito.
Dalawang klase ng torta ang kanyang ginagawa (dahil gusto rin ng aking mga magulang), una ang tortang giniling at ang tortang talong. Mayroon ding giniling ang sa tortang talong, pero mas kakaunti. At, mawawala ba ang sawsawan? Ketchup ang aming sawsawan dito, pati ang aking nanay, samantalang suka ang sawsawan ng aking tatay. Hindi nawawala sa amin ang sawsawan.
At mawawala ba ang panghimagas? Sa amin, kung hindi prutas ay sari-saring kakanin at kung ano pa man iyan ang matamis sa refrigerator. Isa sa matindi kong gusto ang leche flan, pero mabilis ko rin pagsawaan kapag sunod-sunod na araw kami mayroon. Nakabili daw siya sa kakilala ng aking tito. Noong nagkaroon kami nito, sa isang upuan ay nakakalahati ko ang isang llanera ng leche flan. Hindi naman sila nagagalit, kailangan daw naming kumain nang kumain para lumaki.
Marami nang napaghainan ang catering services ng aking tatay. Tulad ng huling nasabi ko, pinakamarami niyang napaghainan ay dalawang daang katao, sa dalawang araw. Ilang pagkain na ang kanyang naluto, ilang oras nagbanat ng buto para maghanda at magluto, ilang tangke ng gas ang naubos, ilang tao na ang isinama sa bawat catering. Mula dito, masasabi nating marami na ang nagawang tulong ng kanyang catering. Pati ang aking nanay, nasangkot niya upang tumulong sa kanyang catering services.
Marami na rin ang napamahal sa kanyang lutuin. Lalo na ang kanyang menudo at dinuguan. Kapag ito ang dala niya, maraming namamangha kapag ito kanilang natikman. Parang may gayuma daw, o kung anong illegal na nilalagay para sumarap.
Dinuguan
Sangkap:
- Bawang
- Sibuyas
- Kamatis
- Baboy
- Dugo ng baboy
- Suka
- Tubig
- Asin
- Siling panigang
Pagluluto:
- Igisa ang bawang, sibuyas, at kamatis.
- Isunod ang baboy, pagkatapos ang dugo.
- Haluin ng mabuti.
- Kapag umitim ang dugo, lagyan ng kaunting tubig at suka.
- Timplahan ng asin at hayaang kumulo.
- Ilagay ang siling pamaksiw.
Sa totoo lang, dati ay may pagkaayaw ako sa kanyang dinuguan. Baka dahil sa pagkaitim niya, malamang sa itsura niya. Sino ba naman ang gusto kumain ng pagkaing kulay itim? Pero ngayon ay nalaman ko na, masarap pala. Dahil siguro sa pagtanda ko, sumabay ang paglawak ng panlasa ko.
…
Pagkatapos ng pagsara ng aming karinderia ay ang matagal-tagal na panahon sa grade school at ilang taon sa high school, marami nanamang nangyari. Paglaki namin, mga catering, bagong negosyo na hindi sa amin o kaya sa aming mga kamag-anak. Nakalipat kami ng bahay pagkatapos ang una naming punta sa Baguio, ang bahay ng aming tita na ngayon ay nananahan sa Paranaque kasama ang kanyang anak, ang aking ninong. Maraming masaya, may malungkot, lahat hamon. Ilang Pasko ang lumipas, mayroon nanamang nangyari.
Tumigil na ang nanay ko sa pagtitinda sa palengke. Isa nanamang nawalang dating nagtataguyod sa amin.
Bakit? Umalis kasi yung dati nilang tagakatay ng baboy. Gusto daw niya ng mas malaking bayad kada araw. Ang huling tanda ko P750 sa isang araw ang kanyang sweldo. Ngayon, may sarili na siyang tindahan ng karne. Doon nagpuntahan ang iba nila na dating suki, ang pag-aakala ay lumipat sila o di kaya’y naglagay sila ng dalawang tindahan. Humina ang tinda hanggang sa dumaming muli ang kanyang abono.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang paminsang catering ng aking tatay, at nagkaroon siya ng bagong sideline: pagdedeliver ng mga karne sa restaurant ng aking mga tita sa General Luna. Ang nanay ko naman ay nagtatrabaho sa botika na pinamamahalaan ng aking tatay sa Hulo.
Kung mayroon akong natutunan sa paggawa ng aking kwento, ito ang malaking ambag ng pagkain sa aming buhay. Ang buhay ng pamilya Cruz. Hindi biro ang halaga ng pagkain sa buhay, at hindi na lamang pagkain ang aking magiging tingin sa pagkain. Mayroon na siyang kwento, bawat isa, kung paano naghirap ang aking mga magulang para mahainan kami ng pagkain araw-araw.
Ang pagkain ang pundasyon ng aming buhay. Binigyang-buhay kami ng pagkain.