Pag-ibig na nagmula sa Ukbo at Tinumok

Orihinal na guhit ng awtor
Ang probinsyang pinagmulan ng aking mga magulang ay may sariling ganda at kultura na nanatili hanggang sa kasalukuyang henerasyon. Sa Laguna nagmula ang aking ama at sa Bicol naman ang aking ina. Si tatay ay nakatira sa tabing dagat, kung saan naging sikat ang pag-aalaga ng itik pati ang mga itlog nito. Pagkagaling sa eskwelahan, naghahanda na si tatay para sa ititindang balut paglubog ng araw hanggang hating gabi. Bagamat hindi laging napapakyaw ang mga panindang balut, isang putaheng kakaiba ang niluluto ng kanyang ina. Ukbo kung tawagin. Lahat ng balut na hindi naibebenta at sobra sa umaga ay nilulutong pa-apritada. Nililinis ang sisiw at maaari na itong lutuin at kainin. Ang sangkap na balut ay pangkaraniwan na sa aming lugar, kaya naman, ako ay ipinaglihi sa balut. Nang magkakilala ang aking mga magulang, nagustuhan ng aking ina ang ukbo dahil bago ito sa kaniyang panlasa dahil nasanay siya sa lutong pa-gata. Isang paniniwala ng mga Pilipino ang paglilihi at marami pa rin ang patuloy na naniniwala rito kaya halos lahat ng kabataan ay alam kung saan sila ipinaglihi.
Sa kabilang dako naman ng timog Luzon, sa bahaging Camarines Norte ng Bicol lumaki ang aking ina. Siya naman ay nagbebenta tuwing umaga ng samu’t saring pagkain sa palengke, kasama ang isa sa kanyang mga kapatid na babae at sila naman ay nakatira malapit sa bukid. Hindi maaaring umuwi ng walang benta dahil ang kikitain ay gagamitin niyang pamasahe papuntang eskwelahan at pambili ng pagkain. Istrikto, relihiyoso at maselan ang magulang ng aking ina kaya naman kaming mga anak ay namulat sa disiplina at paniniwalang kanilang nakagisnan. Kami ay purong katoliko at pinahahalagahan ng aking ina at ng kanyang pamilya ang tradisyon tuwing Mahal na Araw. Ang tinumok ang putaheng patok sa Bicol ngunit iba ang bersyon ng aming pamilya. Ang tinumok ay isang pagkaing pinapakuluan sa gata habang nakabalot sa dahon ng gabi. Naglalaman ito ng hipon, niyadyad na buko, maraming bawang, luya, sibuyas, at samu’t saring sili na tinimplahan ng patis, paminta, at asin. Ngunit ang kaibahan lamang sa paraan ng aming pagluluto ay ang paggamit ng balaw o tinunaw na alamang at wala itong karne kundi batang hipon lamang. At dahil batang hipon ang ginamit, kasama ang balat nitong tinatadtad at kinakain. Naisipan nila itong gawin dahil sa tuwing darating ang buwan ng Marso hanggang Abril, mahigpit na ipinagbabawal ang pagkain ng karne, lalong lalo na ng mga nakakatanda.
Ang ukbo ng Laguna at tinumok ng Bicol ay iilan lamang sa mga putaheng aming inihahanda lalo’t ang aming henerasyon ay pinagsama mula sa magkaibang rehiyon. Dito nagsimula ang aking pagkahilig sa pagluluto. Pinagiisa ko ang mga ideyang aking natamo sa aking magulang. Ang ukbo at tinumok ang aking naging inspirasyon upang maging maparaan sa paghahanap ng mga alternatibong sangkap habang napapanatili ang sarap at linamnam ng pagkaing aking inihahain. Patuloy naming binabalikan at hindi kinakalimutan ang mga putaheng ito subalit sa tuwing natitikman ito ng aking magulang, tila bumabalik lahat ng mga masasayang alaala kaakibat ang pagmamahal.