Mga Mumunting Ala-ala sa Harap ng Lamesa

Paborto kong ulam ang monggo, isang simple ngunit malasang pagkain lalo na kung sasahugan ng tinapa o chicharong baboy na lalong nagpapalasa sa lutong ito. Simpleng pagkain na maihahalintulad ko sa aming pamilya, simple din ngunit minsan ay nilalahokan ng mga pagsubok na lalong nagbibibgay ng buhay sa bawat myembro nito. Marahil normal nga lamang sa atin ang pagdanas sa mga problema na halos kung minsan ay ayaw na tayong lubayan. Subalit ang buhay ko ay kagaya din lamang ng buhay ng karaniwang kabataan, ang pag-iisip ko ay kagaya din lamang ng pag-iiisip ng karaniwang kabataan, at ang perspektibo ko sa buhay ay kagaya din lamang ng perspektibo ng karaniwang kabataan na marahil ay sinusubukan palang na mag-umpisang maglakad sa sarili kong daan. Sinasabi ko ang lahat ng ito dahil ayaw kong lumipas ang panahon na makalimutan ko na lamang basta ang mga simpleng bahagi na ito ng aking ala-ala.
Limang taon na din ang nakalipas simula ng mag-abroad si Papa, limang taon na din ang nakalipas simula ng mawalan ng opisyal na cook ang bahay namin. Karaniwan na sa mga drama at telenovela ang ganitong kwento ngunit hindi karaniwan na lalaki ang nagluluto sa bahay. Kung pagbobotohan lamang kung sino ang mas masarap magluto sa bahay, itataas ko ang dalawa kong kamay pabor sa aking ama. Simula pa noong bata, idolo ko na siya. Para sa akin, alam niya ang halos lahat ng mga bagay. Kaya talagang napilay ng panadalian ang sistema ng tahanan naming noong mga unang buwan ng paglipad niya sa Saudi, kasabay noon ang pagsisimula ko sa college kaya todo higpit kami sa pag-gastos, todo tipid kami sa lahat ng bagay, at syempre derektang naapektuhan noon ang aming pagkain. Minsanan na lamang kami magluto ng karne at mag-manok, halos paksiw na galunggong ang ulam namin noon, pero sino ba ako para mag-reklamo dahil kung tutuusin ay mas ayos na ‘yon kaysa sa wala. Hindi naman kami mapili sa pagkain pero dumadating din siguro tayo sa punto ng buhay natin kung saan sasairin tayo ng buhay hangaang sa wala nang matira sa mga mumunti nating mga salop. Hindi ko alam kung ano nga ba ang mga iniisip ni Mama noon, pero kung ano man ‘yon talagang mahirap ‘yon sa kanya para masulyapan ko siyang tumatangis sa kalagitnaan ng mga gabi. Mahirap mangibangbayan at mawalay sa pamilya ngunit mahirap din pala ang mag-budget ng mga gastusin sa bahay. Ang ulam namin na paksiw sa umaga ay kailangang pagkasyahin para sa buong araw; kahit anong ulam ang lutuin sa almusal ay kailangang tipirin para umabot pa ito sa hapunan. Subalit, ang sanaysay kong ito ay hindi lamang tumatampok sa monngo, paksiw, o kahit ano pa mang lutuing ating madalas na nakikita sa hapag kainan. Ang kwento kong ito ay tamatampok sa isang maliit na sangkap na marahil ay hindi na natin kalimitang sinasama sa mga listahan ng mga pang araw-araw na bilihin, ngunit isang maliit na sangkap na nagtawid sa aming pamilya sa mga oras na hindi na namin alam ang susunod na gagawin.
Ito ang maliit na isda na kung tawagin natin ay dilis, isang payak na halimbawa ng lokal nating pagkain ngunit manakanakang isama sa mga lutuin at mga salu-salo. Iilan lamang ang mga putaheng maaring alam natin para sa mga maliliit na isdang ito. Maliban sa kinilaw at okoy, wala na akong iba pang maisip na pwedeng sahugan nito. Hindi ganoon kasarap magluto si Mama pero marunong siyang mag-isip ng solusyon, katangiang marahil ay naging basic instinct na ng mga ina para manatiling buhay ang pamilya. No wonder kung bakit ganoon na lamang kabilis ang aging process ng mga nanay, dahil nga siguro sa kakaisisip ng solusyon sa mga problema kaya mabilis silang tumatanda sa mga konsumisyon. Pwede kong sabihin na si Mama na nga yata ang isa sa mga madeskarte at matalinong tao na nakilala ko pero hindi ko babawiin ang mga nauna ko nang statement para sabihing paborito ko din ang mga luto ni Mama. Hindi ko din sasabihin na gusto kong kumain ng dilis araw-araw, pero mataas ang paghanga ko sa kakaibang katatagan niya sa buhay. Pwede kong sabihin na magic ang paraan niya sa kung papaano niya pinagkakasya ang maliit na budget sa loob ng mahabang panahon. Sino ba ang maniniwala kung sasabihin kong halos 70 pesos lang ang kadalasang budget namin noon para sa pagkain sa loob ng isang normal na araw: 40 pesos para sa bigas at 30 pesos para sa ulam. Mahirap mag-isip ng paraan kung paano mapapasarap ang pagkain sa ganitong kaliit na unit ng pera.
Hindi nagawan ni Mama ng paraan para mas sumarap ang mga mumunting dilis subalit hindi ko akalain na kaya palang gawan ng paraan para maiangkop ito sa ibat-ibang mga lutuin. Uulitin kong sabihin na hindi ganoon kagaling si Mama pero nagagawan niya ng paraan ang maraming bagay, mga simpleng paraan para makatuklas ng mga bagong luto sa tulong ng malikhaing isip. Gamit ang pagiging mapamaraan, ang simpleng dilis ay kaya palang isama sa Ginataang Puso ng Saging, Ginataang Kalabasa, Adobong Sitaw, Adobong Kangkong, Adobong Puso ng Saging, Ginisang Kangkong, Ginisang Talbos ng Kamote, Ginisang Ampalaya, Ensaladang Labanos, Ensaladang Kamatis, Pinakbet, Dinengdeng, at Chopsuey. Dalawampu’t isang taong gulang na ako at halos three fourths na ng buhay ko ang ginugol ko sa pag-aaral pero aaminin ko na hindi ko man lang natutunan sa paaralan ang pagbibigay ng ganitong katinding dedikasyon para buhayin ang pamilya. Dalawampu’t isang taong gulang na ako at halos 15 years na akong labas masok sa paaralan pero sasabihin kong ibang-iba pala ang konsepto ng mga quizzes at exams ng buhay kumpara sa kung papaano mo ito sagutan sa loob ng apat na sulok ng classroom, hindi mo mabibigyan ng sagot ang mga tanong sa halip kailangan mo muna itong pagdaanan. Dalawampu’t isang taong gulang na ako pero saka ko pa lamang pinagdadaanan ang tunay na leksyon ng buhay. Gaya ng maliit na putaheng iyon, tinuro nito sa akin na mayroon tayong higit sa isang option kung paano natin lulutuin ang sarili nating tadhana, pwedeng hindi natin mas mapasarap ang ating kasalukuyang sitwasyon, pero marahil ay maari tayong mag-explore sa iba pang mga mapagkakaabalahan para manatiling hindi nakakabagot ang mga araw.
Ang bawat subo ng kanin mainit na kanin, bawat pag inom ng malamig na tubig, bawat paglasap sa mga lutong inihain ni Mama sa lamesa ay nagpapaalala na hindi dapat ako sumuko sa buhay. Sapagkat nangarap ako na balang araw ay maiaangat ko ang aming pamilya sa pedestal na kailanma’y hindi pa namin natuntungan. Isang pedestal na bunga ng aming pangarap at pagsisikap sa buhay. Isang pedestal na kung saan ay hindi na namin kailangan pang danasin ang lahat ng bagay na hindi naging kaaya-aya sa aming pagod na katawan at utak. Subalit ang bawat subo ng mainit na kanin, bawat pag-inom ng malamig na tubig, bawat paglasap sa mga lutong inihain ni Mama sa lamesa ay hindi ko maituturing na lamang tiyan sa halip ay isang bitamina para ako ay ganahang magpatuloy sa buhay. Dahil alam ko na ang bawat halo, bawat gisa, bawat timpla ni Mama ay hinahaluan niya ng sekretong sangkap. Hindi man niya sabihin ay alam ko na ang bawat piraso ng dilis ay nilalakipan niya ng pagmamahal, pagtitiwala, at pagsuporta niya sa aming mga kakayahan. Gusto kong linawin na hindi nakapaksa sa sarili kong sentimyento ang sulating ito, hindi rin sa aking mga magulang o sa kanino mang myenbro ng aming pamilya. Pero higit sa lahat nais kong ibalik ang lahat ng atensyon sa isang mumunting pagkain na naging parte na ng aming pampamilyang ala-ala. Maari kong sabihin na hindi ito naging ganoon ka espesyal sa iilan pero ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nagkalaman hindi lamang ang aking sikmura kundi maging ang isa sa parte ng aking pagkatao para matutunan kong pahalagahan ang mga simpleng bagay sa buhay.
Walang espesyal na recipe ang aming pamilya para sa dilis ngunit nagkaroon ako ng rason para pahalagahan ang isdang ito hindi lamang bilang pagkain ngunit bilang isang napakahalagang ingredient para mabuhay ako ng matatag sa ano mang hamon. Walang espesyal na recipe ang aming pamilya para sa dilis pero nakatuklas naman kami ng higit sa isang dosenang paraan kung papaano ito lutuin. Walang espesyal na recipe ang aming pamilya para sa dilis pero nagkaroon kami ng mga di-malilimutang pagkain sa hapag, na masaya kong hahanap-hanapin at muling lulutuin bilang pagtanaw sa nakaraan. Minsan lamang tayo mabubuhay at minsan lamang natin makakasama ang ating pamilya ng buo sa harap ng lamesa, kaya habang maaga pa ay nais kong ipakita kung gaano ako nagpapasalamat sa mga ala-alang aking maingat na tinatago sa kaibuturan ng aking puso. Sapagkat hindi na mahalaga ang lasa ng pagkain at kung ano man ang anyo nito, hanggat ito ay inihain ng mga taong mahal natin at nagmamahal sa atin, hindi na dila kundi puso na ang maghuhusga kung gaano ito kasarap.