Magkaiba Ma’y Magkaisa

Image: Sinugbang baboy sa ibabaw ng kinilaw na isda—paghaluing mabuti at hayan na ang sinuglaw!
Nagising ako ng simoy ng hangin mula sa dalampasigan. Ako’y bumangon at sumilip sa labas ng bintana, kung saan aking nakita ang tila pagsayaw ng aking mga kaibigan kasabay ng paghampas ng mga alon. Hindi ko man lubos mawari kung bakit malapit ang aking loob sa karagatan, bagaman hindi ako marunong lumangoy, ay nandito pa rin ako kasama nila upang tuklasin ang kagandahan ng isang isla sa bandang dulo ng Hilagang Mindanao.
Sa aking pagsampa sa bangka patungo sa munting isla ay kakatwa ang aking naramdaman. Malamig ang tubig na pumalibot sa aking binti’t paa, samantalang mainit ang sikat ng araw na marahang dumadampi sa aking pisngi.
Mahaba pa ang umaga, naisip ko, at tiyak na higit pang titindi ang init ng araw. Nakapapaso, nakasusunog—katulad ng panggatong na naglalagablab sa ilalim ng parilya.
Sinugba: ito, sa aming lokal na wika, ang siyang inihaw sa wikang pambansa. Madalas ay hindi na kailangan pang maghanap sa malayo para makagawa ng sinugba. Kahit simpleng asin at paminta lang ang budbod sa karne bago ihawin, ay siguradong magiging buo pa rin ang lasa ito. Sakaling hindi man ito sapat para sa iyong panlasa, nariyan lang rin naman ang toyo’t suka, pati na rin ang sili’t kalamansi, upang damayan ang isa’t isa sa koro ng nakamamanghang sarap.
Habang nagsisimula nang maghanda ng pananghalian ang mga naiwan sa bahay, kami naman ay nakarating na sa Isla ng Agutayan. Payak man ito sa paningin dahil buhangin lamang ang bumubuo nito, ay may nakahihigit pang yaman na makikita sa ilalim ng dagat sa palibot. Hindi na kami nag-atubili pa ng mga kaibigan ko, at sabay-sabay kaming tumakbo patungo sa tubig.
Kasabay ng aming pagtalon sa dagat ang siyang paghataw ng kutsilyo pabagsak sa isang sangkalan. Ang awiting kinakanta ng instrumentong ito ay ang masusing paghiwa sa sariwang tangigue na kaninang umaga lamang nahuli ng mga mangingisda sa kabilang barangay.
Matapos hiwain ang tangigue sa maliliit na mga piraso ay bubuhusan naman ito ng puting suka, bago ito samahan ng sili, sibuyas, at luya sa iisang mangkok hanggang sa maluto ang isda sa suka. Dito mabubuo ang kinilaw.
Hindi dito nagtatapos ang paglalakbay, sapagkat mayroon pang susunod na kabanata ang biyaheng ito. Sino ba namang mag-aakala na ang mga pagkaing magkasalungat hindi lamang sa panlasa kundi sa proseso ng paghahanda ay maaaring mag-isang-dibdib sa iisang putahe? Heto ang sinuglaw, ang pinaghalong sinugbang baboy at kinilaw na isda, magkasama sa iisang plato sa hapag-kainan.
Nang kami ay makauwi na sa wakas, ay natikman na rin namin ang sarap ng sinuglaw na kapares ng kanin at panulak. Nakakatuwa. Tingnan mo ako, na hindi marunong lumangoy ngunit mahal ang karagatan, pati na rin iyong tubig sa aking mga binti at ang sinag sa aking pisngi. Magkaiba ma’y magkaisa ang sinugba na sumalang sa apoy at ng kinilaw na ibinabad sa suka sa isang panibagong handa.
Marahil totoo nga ang kasabihan, ano? Marahil ay nagkaka-akitan nga ang mga magkasalungat.
SOURCES:
- Sinuglaw Recipe from Panlasang Pinoy: https://panlasangpinoy.com/sinuglaw-recipe/.
- Sinuglaw illustration by Art by Nisu @artbynisu on Instagram: https://www.instagram.com/artbynisu/.