Currently viewing Global Site
VisitUnited States or Middle East

Luyang Dilaw: Sa Hapag ng mga Rebelde ng North Cotabato

By Jose Paolo C. Calcetas|

Sa isang malayong lugar sa kaibuturan ng North Cotabato, kung saan kahit mga tubong Makilala (isang maliit na bayan malapit sa Lungsod ng Kidapawan) ay hindi nangangahas magtungo, matatagpuan ang isang pook kung saan animo’y nagyuyungib ang takot at panganib—ang kuta ng mga rebelde na inihiwalay na ang kanilang sarili sa pamayanang iniiwasan sila dahil sa pangamba.

Ang tunggaliang ito na ilang dekada nang pasang-krus ng Mindanao ay bunga ng magkaibang paniniwala at kawalan ng tiwala ng magkabilang panig ng pamahalaan at mga rebelde sa isa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit ang mga mamamayan ay kumikilos na waring tumatawid sa manipis na yelong handang bumasag sa katahimikang pinangangalagaan ng bawat taga-North Cotabato.

Ngunit sa kabila ng isyung pangkapayapaan sa nasabing lugar, isang maliit na halamang tumutubo kahit saan ang nagsisilbing tatak sa kusina ng mga taga-rito, kristiyano man o muslim—ang luyang dilaw.

Pagpapakalap ng Luyang Dilaw

Sa halos isang buong araw na pakikipanayam ko kay Ginoong Istarlito Platil, nangungunang advocate ng pagpapalaganap ng luyang dilaw sa kanyang munting bayang sinilangan ng Makilala, inilahad niya sa akin kung bakit naging permanenteng bahagi na ng bawat hapag sa kanilang lugar ang nasabing halaman.

“Kasi tumutubo siya sa kahit saang lugar. Di gaya sa Maynila, dito fresh mo pa siyang makukuha,” wika niya.

Kung tutuusin, mas karaniwan sa Maynila na makabili ng turmeric na pulbos na kumpara sa luyang dilaw sa natural nitong anyo. Samantalang dito sa Makilala, parang malayang biyaya ni Inang Kalikasan ang luyang dilaw dahil maaari mo itong pitasin saan man ito tumubo.

Panlasa ng mga Rebelde

Nakatatawang isipin, ngunit mas malaki ang tsansa mong makapitas ng luyang dilaw kaysa makakuha ng namumukadkad na bulaklak sa paligid.

Marahil, ito ang dahilan kung bakit kahit mga kinatatakutang rebelde sa kanilang lugar ay gumagamit din ng luyang dilaw.

“Minsan mayroon silang mga alagang hayop tulad ng manok. Kinakatay nila ito tapos gagawing nilaga o kare-kare na may luyang dilaw. Ito ang nagsisilbing pampalasa sa kanilang pagkain. Dahil organic ang manok na kanilang inaalagaan sa kanilang kuta, mas madaling naaalis ng luyang dilaw ang lansa ng manok at mas nanunuot ang lasa nito,” ayon kay Platil.

Inilahad pa niya na maliban sa pagiging sangkap sa lutuin, ginagawa din itong tsaa ng mga rebelde.

Benepisyo sa Kalusugan

Ayon kay Bb. Arcia Ruazol, isang registered nurse at nutritionist mula sa Union College sa Sta. Cruz, Laguna, ang luyang dilaw ay naglalaman ng Curcumin na hindi lamang nagpapalakas ng resistensya kundi tumutulong din upang maalis ang toxins ng tao sa katawan, agarang paghilom ng sugat at paglakas ng resistensya sa pabago-bagong klima.

“Hindi nakapagtataka na gawin nilang bahagi ng kanilang mga araw-araw na lutuin ang luyang dilaw. Dahil karamihan sa mga rebelde ay walang access sa pagamutan o regular na check-up, marahil dahil dito ay naiiwasan nila ang iba’t ibang uri ng sakit tulad ng kapag di sila natutunawan,” ayon kay Ruazol.

Dagdag pa niya, dahil laging inilalahok ng mga rebelde ang luyang dilaw sa kanilang mga pagkain, nakakatulong ito upang maibsan ang arthritis nila, heartburn, diabetes, at liver disorder.

Para naman sa mga babaeng kasapi sa mga rebeldeng grupo, tinukoy ni Ruazol na makakatulong ito upang gawing mas regular ang kanilang “buwanang dalaw.”

Ayon sa nalathalang artikulo ni Rhoderick Benez sa website ng Kool FM 94.9 noong Peb. 27, 2015, ipinapalaganap ngayon ng University of Southern Mindanao Agricultural Research Center sa publiko ang mas madalas na paggamit ng luyang dilaw sa mga tradisyunal na pagkain sa kanilang rehiyon.

Pinatunayan ni Dr. Naomi Tanongan, dating propesor sa nasabing pamantasan, ang garantisadong benepisyo nito hindi lamang bilang panlasa kundi bilang gamot.

Luyang Dilaw sa Matatandang Tribo

Mayroong tatlong pinakamatandang tribo sa North Cotabato. Ang Manobo, Lumad at Bagobo. Ayon kay Platil, hindi maaaring mawala ang luyang dilaw sa nilutlot, ang isa sa pinakatradisyunal at pinakakilalang pagkain ng kanilang lugar.

Sa pangalan pa lamang ng putahe, aakalain ng sinumang makaririnig na ito ay gulay na niluto sa apoy sa loob ng mahabang oras, o isang prutas na binuro. Ngunit ayon kay Platil, ang nilutlot ay tumutukoy sa paraan ng pagluluto ng dalag o hito gamit ang batang kawayan.

Di man tiyak, tantya ni Platil na madalas din itong kainin ng mga rebelde lalo na kung nagkukuta sila sa may lawa at gubat.

“Dahil marami sa kabundukan at mga liblib na lugar ng luyang dilaw, ginagamit nila ito lalo na kapag nakakahuli sila ng mga isda na ginagamit nila sa paggawa ng nilutlot,” ayon kay Platil.

Luyang Dilaw Bilang Simbulo ng Makilala

Inihalintulad ni Platil ang kaunlaran ng Makilala sa luyang dilaw. Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III, kilala sa platapormang ‘Tuwid na Daan” at kulay na dilaw, malayong malayo na ito sa dating Makilala. Dati, ang mga daan dito ay tulad ng kutis ng luyang dilaw—magaspang, bako-bako, at walang direksyon. Ngayon, hindi man nito nakakamit pa ang tinatarget na kaunlaran, hindi na ito pawang bukirin na lamang.

Tulad ng luyang dilaw na tumutubo kahit saan, nagsulputan na ang mga micro, small, at medium enterprise saan mang sulok ng bayan, lalu’t higit ang mga maliliit na karehan na nagbebenta ng simple ngunit masasarap na pagkaing mas pinasasarap pa ng luyang dilaw.

Kaya lang, tulad ng kasikatan ng nasabing herb, hindi pa rin nabibigyan ng angkop na pagkilala ang bayan ng Makilala para sa natatangi nitong ganda at kontribusyon sa mayamang linya ng makasaysayang lutuin ng North Cotabato dahil kinakanlong pa rin nito ang mga katutubong tribo na tagapagtaguyod ng tatak Pilipinong unti-unting binubura ng kaunlaran.

Ngunit magkagayon man, hindi nawawalan ng pag-asa si Platil na darating ang araw na mabibigyan ng angkop na pagkilala ang Luyang Dilaw bilang isang natatanging pampalasang Pilipino.

“Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin napararami ang luyang dilaw dahil kung magkakaisa ang bawat taga-Makilala para ‘makilala’ kami bilang sentro ng produksyon ng luyang dilaw sa Pilipinas, mangyayari iyon,” wika ni Platil.

“Sana balang araw din, ito ang maging daan para naman makilala rin kami sa aming mga likas na yaman at hindi sa maling pag-iisip tungkol sa aming bayan dahil sa mga balitang ating naririnig tungkol sa Mindanao,” dagdag ni Platil.

Tunay ngang malayo pa ang araw na magkakaisa ang dalawang nagtutunggaliang panig sa North Cotabato. Humupa man ang tensyon, hindi pa rin nawawala ang dibisyon sa pagitan ng pamahalaan at mga rebelde. Ngunit sana, dumating ang araw na maghihilom ang sugat ng nakaraan upang sumikat na ang araw sa bahaging ito ng ating bansa. Sana, balang araw, dumating ang panahon na kakain na sa iisang hapag ang mga rebelde at mga opisyal ng pamahalaan, kapwa tinatamasa ang sarap na dala ng hiwagang hatid ng luyang dilaw sa mga putaheng mas magpapalakas ng bigkis ng bawat Pilipino sa lupang pangakong ito.