Lutong Bahay
O anong sarap ang maalimpungatan sa umaga,
Mula sa amoy ng bawang na ginigisa,
Sa tunog ng tumitilamsik na mantika,
At sa hapag kainan na mata pa lang ay busog na.
Sinangag, itlog, at tuyo
Samahan mo pa ng kapeng kumukulo
Almusal pa lamang ito,
Ngunit parang kumpleto na ang araw ko.
Dumating ang tanghalian,
Lutong bahay ang laman ng baunan
Hindi nakalimot si Nanay kailanman
Sa mga pagkaing aking nakahiligan.
Sa merienda’y bumili sa labasan
Ngunit iba pa rin mula sa lutong nakasanayan
Pwede na din, basta may laman ang tyan
Hihintayin na lang ang pag-uwi mamayang hapunan.
Sa hapag kainan ay kaharap ang pamilya,
Kasama ang luto ni Nanay na masarap at masustansya.
Sinaluhan pa ng kwento ng bawat isa
tungkol sa araw na aming tinamasa.
Anong sarap ang mabuhay ng ganito
Ang makumpleto at kumain ng salu-salo
Daig ko pa ang nanalo sa lotto
Sa mga biyayang ipanagkaloob Mo.