Lokot-Lokot

Orihinal na larawan mula sa kaibigan ng awtor na si Kalsuma Ubahin
Ang Zamboanga City ay kilala bilang isang lungsod na may mayaman at makulay na kultura. Ang pagkain ay isang malaking bahagi sa pagbuo ng mayabong na kulturang ito at isa ang “Lokot-Lokot” sa nagpapatingkad ng kakaibang panlasang Zamboangueño. Isang kilalang pagkaing Muslim ang Lokot-Lokot at dahil matagal nang panahong payapang magkasamang namumuhay ang mga Muslim, Chavacano, at iba pang tribo sa Zamboanga, nakasanayan na ng karamihan ang kumain nito. Higit pang espesyal ang pagkaing ito sapagkat hindi ito basta-basta inihahanda sa lahat ng panahon. Madalas, tuwing may okasyon lamang ito inihahain, tulad ng bukah (1), Hari Raya (2), Kasal, at iba pa. Nagsisilbi itong panghimagas, sabi nga ng aking kaibigang Muslim, “Kung kayo may leche plan o salad ‘pag may okasyon, kami naman ay may Lokot-Lokot”. Ang pagkaing ito rin ay may malalim pang kahulugan para sa akin dahil bilang isang Kristiyano, higit nitong pinatatag ang pakikipagkaibigan ko sa mga Muslim. Marahil ganoon din ang kuwento ng iba pang Chavacanong tulad ko na palaging nabibigyan ng Lokot-Lokot ng mga Muslim tuwing sila ay may pista. Dahil dito, hindi lamang pagkain ang Lokot-Lokot, simbolo rin ito ng mapayapang ugnayan ng mga Kristiyano at Muslim sa aming bayan.
Ayon sa aking kaibigang Muslim, giniling na bigas ang pangunahing sangkap nito. Kailangang hugasan ang bigas nang tatlo hanggang limang beses para matiyak na malinis ito bago igiling upang makabuo ng masa o dough. Habang ginigiling ang bigas, maglagay ng puting asukal para unti-unti itong lumambot. Ilagay ang masa sa malinis na lalagyan. Sa ibang lalagyan, gumawa ng arnibal (3). Habang mainit pa ang arnibal, ibuhos sa masa at haluin ito hanggang lumambot. Sa puntong ito, maaari nang simulan ang pagpiprito. Ihanda ang kawali at mag-init ng mantika. Para makagawa ng paikot na hulma ng Lokot-lokot, ang pangsala na gawa sa bao na may laman na masa ay paikot ring ibuhos sa kawali. Siguraduhing isang direksyon lang ang pagbuhos nito. Sa pagtiklop naman nito, dalawang kawayan na hulmang kutsilyo ang gagamitin. Kapag ito ay “Golden Brown” na, pwede na itong ilagay sa tray at palamigin bago ihain. Isa pang kahanga-hanga sa pagkaing ito, ayon sa aking kaibigan, hindi mabubuo ang tamang hugis ng Lokot-Lokot kung marumi ang paghahanda rito.
Sanggunian:
Ubahin, Kalsuma J. Personal na Panayam. 11 Enero 2021.
“Lokot-Lokot Zamboanga.” Jon To The World Travel Blog, 11 Enero 2021, https://jontotheworld.com/curacha-lot-flavors-zamboanga/lokot-lokot/
(1) Tawag ng mga Muslim sa oras o panahon kung kailan maaari na silang kumain matapos ang pag-aayuno sa panahon ng Ramadan
(2) Pista ng Pagtatapos ng buwan ng Ramadan
(3) May iba’t ibang paraan ng paggawa ng arnibal ngunit ayon sa kaibigan kong Muslim, tinutunaw nila ang asukal sa mainit na tubig at wala nang iba pang hinahalo.