Lelut Tugak: Isang Pagninilay sa Esenya ng Palaka sa Lente ng Magsasaka, Praktika ng Pamilya, at Kultura ng Pampanga

“Bunso, may dala akong manok.”
Ito ang bungad ni Kuya nang umuwi siya matapos magsaka. Sa laki ng bitbit niyang sako, aakalin mo talagang manok ang kanyang dala.
“Saan mo galing ang manok?” paulit-ulit kong tanong sa kanya.
“Tignan mo ‘yung dala ko nang makita mo,” tugon niya sa tanong ko.
“Palaka ang mga ito!” malakas na wika ko.
“Hayaan mo, palaka man ang hitsura, manok naman ang lasa,” sambit niya.
Sa araw na iyon, napagtanto ko sa sarili kung anong klaseng buhay ang mayroon kami. Doon, sa pagkakataong iyon, nakita ko sa kanyang mga mata ang pagsisikap na maitaguyod ang aming pamilya, kasama ang aming magulang at iba pang kuya. Doon, sa oras na iyon, itinatak ko sa aking kalooban ang isang kwento ng buhay na balang araw ay ibabahagi ko—na sa pagdating ng panahon ay magkakaroon ng espasyo sa mundo, hindi man sa entablado, kundi sa mga sulating gaya nito tungo sa lalong pagpapaunawa sa aming konteksto:
Hindi ko na alam kung ilang beses nakipaglabada ang aking ina para maitaguyod lamang ang aming pamilya. Hindi ko na alam kung ilang beses namantsahan ng pintura ang damit ng aking ama dahil sa hanapbuhay niya. Hindi ko na alam kung ilang beses nagtanim at naggapas ng palay ang aking mga kapatid upang ang bigas ay kanila lamang maihatid.
Walang nakaaalam kung kanino ako nangutang ng P300 para lamang makakuha ng pagsusulit sa isang unibersidad. Walang nakababatid kung ilang beses akong pumasok nang walang baon. Walang makapagsasabi kung ilang beses kong ginamit ang isang pares ng uniporme sa mga unang taon ko sa hayskul at kolehiyo na araw-araw pang nilalabhan ng aking ina. Walang makapagsasabi kung ilang beses akong nakiusap sa mga opisina para payagan lamang akong makapag-enrol dahil wala akong sapat na pera. Walang nakaaalam kung ilang beses akong naghanap ng scholarship ngunit kahit isa ay walang tumanggap sa akin. Walang nakatitiyak kung ilang beses akong umuwi ng bahay para kumain ng kanin na may tubig at asin. Walang makapagsasabi kung ilang beses akong binigyan ng pamasahe at pinakain ng iba’t ibang mga guro maipagpatuloy ko lamang ang pag-aaral ko.
Walang nakaaalam kung ilang beses kong ginamit ang pinaglumaang damit at gamit ng aking mga kapatid para makapasok sa paaralan. Walang nakatitiyak kung ilang beses kong ginamit ang isang bag na butas-butas kahit ako’y nasa kolehiyo na. Walang nakababatid kung ilang beses akong nauntog sa bubong ng aming bahay kahit pa ako’y yumuko dahil sa sobrang baba nito. Walang nakatitiyak kung ilang beses nabasa ang mga gamit ko dahil sa patak ng ulan sa loob ng aming bahay dahil maraming butas ang bubong nito. Walang nakatutukoy kung ilang beses nadumihan ang aking mga paa dahil ang inaapakan ko sa loob ng bahay ay lupa. Walang nakatitiyak kung ilang beses akong nakitulog sa bahay ng mga kaibigan dahil wala nang masakyan pauwi, sapagkat bahagi ako ng evening class. Walang nakaaalam kung ilang beses akong tumulong sa mga proyekto at ulat ng iba para magkaroon lamang ng pambili ng pagkain sa loob ng eskwela. Walang nakaaalam kung ilang beses akong hinatid ng aking tatay sa paaralan, umaraw man o umulan, gamit ang motorsiklong inutang, at ilang taon bago nabayaran.
Hindi na importante pa kung ano ang sinabi ng ibang tao sa akin sa naging estado ng buhay ko. Dahil ang tunay na mahalaga, walang iba kundi ang pamumuhay nang marangal at may pagpapahalaga sa bawat sakripisyo ng isang pamilya para mapalaki ka. Ang mahalaga ay tumayo ka pagkatapos mong madapa. Ang mahalaga ay nagpatuloy ka kahit pa hinamak ka nila. Ang mahalaga ay nagpapasalamat ka sa kung anong mayroon ka. Ang mahalaga ay hindi ang estado mo sa buhay kundi ang pangarap mong magtagumpay.
Sa ngayon, marami na rin ang nagbago sa buhay ko. Hindi gaya rati na iniisip kung anong babaunin sa eskwela. Hindi tulad noon na laging problema kung ano ang ihahapag sa mesa. Kahit pa ako, na bunso, ang tanging nakatapos sa kolehiyo sa aming pamilya.
Kaya sa pagkakataong ito, hindi ang kwento ko ang bida kundi ang salaysay ng aking kuya’t pamilya, pati na rin ang naratibong tungkol sa kultura ng aming mahal na bayan—ang lalawigan ng Pampanga.
Ang Kwento Ng Tugak (palaka) Sa Lente Ng Isang Magsasaka
Mayaman sa kwento ang mga palaka sa Pampanga. Kapansin-pansin ito sa naratibo ng aking Kuya at ng iba pa naming kaanak na magsasaka. Ayon kay Kuya, ang tag-ulan ang hudyat ng panahon ng paghuli ng palaka. Kung pinangangambahan sa ibang bayan ang malakas na ulan, siya, bilang sanay at malay sa benepisyong alay ng panahon, ay mabilis na naghahanda ng kaniyang lalagyan at dali-daling pumupunta sa mga palayan kasama ang iba pang kaibigan.
Hindi sapat ang pagdadala ng paduas (pamingwit) at pisi dahil kailangan din ng bulateng maayos na hinukay at pinili. “Sisiguradwan kung buu at mataba la reng bulati. Pakapili kula andat bagsak ke’t pangulkul king paligi ing sarul gamat ku,” wika ni Kuya sa Wikang Kapampangan. Kailangang buo at mataba ang mga bulate. Piling-pili dapat ang mga ito kasabay ng pagbagsak at paghukay sa lupa ng gamit niyang asarol.
Bilang mga amphibian, mailap ang mga tugak marangle (palakang bukid) sa umaga. Nagtatago ang mga ito hindi dahil sa mga tao kundi dahil sa pag-iwas sa mainit na panahon na maaaring maging sanhi ng pagkawala ng moisture sa kanilang balat. Ito ang dahilan kung bakit nananatili ang mga ito sa mga matubig na lugar kagaya ng palayan.
“Istung minuran, maynge no ren. Masaya la ali mu uling bengi. Masaya uling mumuran. Maburi la kasing danum. Atnong kasikan bosis, anti la mong bisang pakit at parakap kekami.” Kapag umulan, siguradong mag-iingay na ang mga palaka. Masigla ang mga ito hindi lang dahil gabi na kundi dahil sa tubig-ulan na waring biyaya sa kanila. Malakas ang kanilang mga boses na mistulang gustong magpakita at magpahuli kina Kuya.
“Paano mo ba hinuhuli?” minsang tanong ko kay Kuya.
“Masikan ku pakiramdam. Pakiramdaman kong masalese. Uling mangaragul la bosis ampong maynge la, sagli apantun kula. Kanita, sulwan kula. Uling eda buri ing masala, duku ya’t tuknang yang mangaga. Kanita ke dukmu. Kanita ke datuk keng saku.”
Malakas ang pakiramdam ni Kuya. Pinakikinggan niya nang maayos tunog ng mga palaka. Dahil sa laki ng boses at ingay na kanilang nililikha, madali niyang nalalaman ang kinaroroonan ng mga ito. Sa puntong ito paiilawan ni Kuya ang mga palaka. Yuyuko at tatahimik ang mga ito dahil ayaw nila ng liwanag (aslag o sala). Kapag ganito ang nangyari, mabilis niyang darakmain ang mga ito at ilalagay sa dala niyang sako.
Ito ang kwento ng palaka mula sa lente ng isang magsasakang hinubog ng kapalaran—salaysay na nagmula sa taong pinanday ng awtentikong karanasan.
Ang proseso ng pagluluto ng lelut tugak (lugaw-palaka) batay sa praktika ng pamilya
1. Hugasan ang 1 tasa/gatang na bigas.
2. Painitin ang 2 kutsarang mantika sa kaserola sa loob ng 1 minuto.
3. Sa loob ng 2 minuto, igisa ang sumusunod na sangkap sa mainit na mantika:
a. 2 kutsarang luya (sliced)
b. 4 tangkay ng tanglad (lemon grass)
c. 4 cloves ng bawang (minced)
d. 1 pirasong sibuyas (chopped)
4. Ilahok ang 7 binalatang palakang bukid para matanggal ang lansa.
5. Ilagay ang 2 kutsarang patis.
6. Ihalo ang 1 tasa/gatang na bigas.
7. Ibuhos sa kaserola ang 5-6 na tasang tubig na pinaghugasan ng bigas (rice stock).
8. Ibudbod ang ½ kutsaritang asin at 1 kutsaritang paminta.
9. Pakuluan sa loob ng 45 minuto hanggang lumambot ang bigas.
10. Ilagay ang lugaw-palaka sa isang mangkok at ihapag ito nang mainit.
11. Timplahan ang lugaw-palaka ng asin/patis, paminta, sili, at 2 kalamansi batay sa panlasa.
12. Maaari ring maglagay ng pritong bawang na durog, hiniwang dahon ng sibuyas, at nilagang itlog kung nanaisin.
Sipat At Dalumat Sa Kultura Ng Tugak (palaka) Sa Pampanga
Maraming tradisyon ang unti-unti, kung hindi man, tuluyang nawawala’t hindi nabibigyang-pansin habang lumalawak ang espasyo ng industriyal na pag-unlad sa mga probinsya gaya ng Pampanga. Sa ganitong sitwasyon, lalong umuusbong ang pangangailangan na pag-aralan ang kasaysayang nakapaloob sa paraan ng pamumuhay ng mga tao bago pa lalong magkaroon ng mas malaking pagkakataong maisakatuparan ang urbanisasyon. Ngunit hindi maitatanggi na ang pagtanaw sa kasaysayan at mga tradisyon ng isang bayan ay hindi lamang maisasagawa sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga ito sa akademya, kundi maging sa mga pagdiriwang gaya ng piyesta. Ito ang naging simula ng Piestang Tugak—isang taunang Pista ng Palaka sa Pampanga.
Maliban sa pagiging Christmas Capital ng Pilipinas, kilala rin ang Lungsod San Fernando sa Pampanga sa pagdiriwang at pagtatanghal sa tradisyong kaakibat ng mga tugak marangle o palakang bukid. Bilang bahagi ng mga programang naglalayong mapanatili ang kulturang Kapampangan, taunang inoorganisa ng nasabing lungsod ang Piestang Tugak para lalong maipakilala ang tradisyon ng mga palaka sa probinsya. Kabilang sa mga aktibidad na malimit na inaabangan dito ay ang paduasan o patimpalak sa paghuli ng palaka, pagluluto ng mga ulam at putahe gaya ng betute (stuffed frog), at iba pang larong hinihintay ng mga kabataan.
Ayon sa Tanggapan ng Turismo ng Lungsod San Fernando, ang Piestang Tugak ay naging bunga ng konseptwalisasyon ng tatlong (3) nagkamit ng prestihiyosong Most Outstanding Kapampangan Award na sina Ivan Anthony Henares, Rolan Quiambao at Robbie Tantingco, na pawang tagapagtaguyod ng wika, kasaysayan, at kulturang Kapampangan. Kabilang rin sa naging ambag ng mga nasabing alagad ng kultura’t kasaysayan ang pagsusulong ng inisyatiba na itanghal ang kauna-unahang Piestang Tugak noong Nobyembre 3, 2003 sa WOW Northern Philippines, HILAGA, na dating kilala bilang Paskuhan Village. Ito ang naging simula ng sunud-sunod pang tagumpay ng programa lalo pa’t nakilahok na rin kalaunan ang akademya at iba pang sektor sa lalawigan—isang dahilan ng lalong pagkilala ng mga Kapampangan sa kanilang natatanging kalinangan.
Sadyang hindi maitatatwa na ang ganitong tradisyon ay isang integral na bahagi ng pagtugon sa panawagang lalong maipakita at maipakilala ang praktika ng buhay sa Pampanga. Kaya naman, lalong lumalaki ang tungkulin na dapat gampanan ng bawat kabataang Kapampangan na ipagpatuloy at payabungin ito para maiwasan ang tuluyan nitong pagkawala, at mabigyan ng pagkakataon ang susunod na henerasyon na mapahalagahan at maipalaganap ito mula sa sariling tahanan hanggang sa mas malaki at malawak na espasyo ng lipunan.
Ang Tugak Marangle (palakang Bukid) sa Hapagkainang Kapampangan
1. BETUTE
Ito ay isang orihinal at hindi matatawarang pagkaing Kapampangan. Pangunahing sangkap nito ang piniritong palaka na pinalamanan ng giniling na baboy, kaakibat ang mga esensyal na pampalasa. Bagaman may sariling paraan ng pagluluto ng tugak (palaka) ang ibang mga lahi, nanatili pa ring eklsusibo at natatangi ang Betute sa Pampanga. Matitiyak ito sa kasanayan ng mga Kapampangan, lalo ng mga magsasaka, sa paghuli ng mga palakang bukid (rice field frog), at paggamit ng mga nahuling palaka bilang pangunahing sangkap ng Betute. Ang mga palakang ito ay mas malaki kung ihahambing sa mga karaniwang palaka na ibinebenta sa merkado.
2. ADOBUNG TUGAK A MALANG
Tinatawag itong Adobong Palaka sa Tagalog. Ang mga sangkap, maging ang proseso ng pagluluto nito ay halos katulad lamang ng karaniwang adobong baboy. Gayunpaman, ang pinakakaibahan nito ay ang pagpapatuyong ginagawa ng mga Kapampangan sa kawali hanggang sa manuot ang mga pampalasa sa palaka (pagtatanggal ng sabaw sa pamamagitan ng mas matagal na pagsalang ng kawali sa apoy). Mas tuyo, mas masarap! Mas mahanghang, mas mainam!
3. KAMARUN TUGAK
Kilala rin ito sa tawag na Camaron sa Ingles. Ito rin ay maituturing na isang halimbawa ng tempura sa Pampanga. Nagiging natatangi ito dahil sa paggamit ng palakang bukid bilang pangunahing sangkap sa halip na sugpo (prawn). Inilulubog ito sa mainit na mantika matapos lagyan ng mga pampalasa, balutin ng harina, at ibabad sa binating itlog. Mas mainam din kung ito’y hahatiin muna sa malilit na piraso bago iluto.
4. PRITUNG TUGAK
Ito ang fried chicken ng mga Kapampangan. Palakang bukid din ang pangunahing sangkap nito. Sa putaheng ito, maaaring iprito nang buo ang palaka matapos lagyan ng mga pampalasa. Sa kabilang banda, sa pananaw ng isang Kapampangan, mas mainam kung malalaking palakang bukid ang gagamitin. Sa ganitong pagkakataon din kasi maaaring hatiin sa malaking bahagi ang palaka, at magagamit ang mga binti nito para lalong makamit ang estetiko ng pritong manok.
5. TINOLANG TUGAK
Madalas ding gamiting pangunahing sangkap ng tinola ang tugak o palakang bukid. Tulad ng pritong palaka, malalaking tugak marangle ang ginagamit dito na kapag naluto na ay waring totoong manok ang hitsura. Para sa mga Kapampangan, hindi na mahalaga pa kung sayote o papaya ang gulay na ilalahok dito. Nakabatay ito sa kung ano ang timpla na gusto ng pamilya kakaibat ang paraan, kasanayan, at puso sa paghahanda ng lutong Kapampangan.
TUGAK MARANGLE
(PALAKANG BUKID)
Sa lente ng magsasaka,
Ito’y pagkain sa tuwina;
Sa kultura ng Pampanga,
Sadyang bida sa piyesta;
At sa luto ng pamilya,
Totoong manok ang lasa.