Kwento, Kasaysayan, at Kagat ng Adobo

Ang pagkaing Pilipino ay nahulma at hinuhulma ng kasaysayan, kapaligiran, at lupain ayon sa manunulat na si Doreen Fernandez. Ang paraan ng pamumuhay din at ang lipunan ay nakaaapekto din sa paraan ng pagluluto ng mga Pilipino. Ang pagdating ng iba’t ibang mananakop ay nagpakilala sa atin ng iba’t ibang putahe at paraan ng pagluluto na siya naman ginawan natin ng ating sariling bersyon or ginawang “indigenized.” (Fernandez, 2000)
Isa ang Adobo sa putahe na masasabing “indigenized” bilang ang pangalan na ito ay hinugot sa Espanyol na meron din kaparehas na putahe na Spanish Adobo. Ayon kay Raymond Sokolov, noong 16th siglo ay napansin ng mga mananakop na espanyol ang luto ng mga Pinoy na pinapakuluan sa soy sauce at suka ang baboy at manok at tinawag nila itong adobo (Tayag, 2013). Ayon naman kay Doreen, ang salitang adobo ay nangangahulugan proseso na pagluluto at ang adobado naman ay ang tawag mismo sa putahe para sa mga Espanyol. Samantala sa konteksto natin mga Pilipino at adobo ay ang tinawag natin putahe at adobado ay ang proseso o paraan ng pagluto nito. (Fernandez, 2000)
Sa kasalukuyan, ang adobo ay isa sa mga “staple food” kung saan nakikilala ang mga Pilipino. Halimbawa na lamang sa artikulo ni Claude Tayag ng Philippine Star online ang adobo ay kinikilala na isang “national dish” ng isang food critic sa New York Times na si Sam Sifton. (Tayag, 2013).
Sa ngayon ang adobo ay hindi na lamang limitado sa putahe kung hindi flavor na din ito sa mga pagkain katulad ng chips, sauce, tinpay, mani, atbp.
Ang kwento ni Adobo To’
Kapansin-pansin ang pagsulpot ng mga posts sa social media ng mga “foodies” o mga taong mahilig sa pagkain. Ang mga blogs o mga posts sa Facebook at Instagram ay nagsisilbi din paraan ng pag-advertise ng mga pagkaing tampok ng mga restawran at karinderya. Kapag nakakabasa tayo ng review ng isang restaurant ay maaring maimpluwensiyahan nito ang ating panglasa o mga pagkain gustong subukan o tikman.
Isa din paraan upang makilala ang isang lugar ng kainan ay ang pagtampok dito ng isang programa sa telebisyon. Ang palabas na “Ang Pinaka” ng GMA News TV ay nagtampok ng mga murang kainan sa Metro Manila noong 2012. Ang nanalo sa nasabing “survey” ay ang kainan na “Adobo To,” isang family-owned business na matatagpuan sa loob ng San Antonio Village sa Pasig . Ayon sa isa sa may may-ari na si Vilma ay malaki ang naging epekto ng palabas sa kanila. Noong kinausap ko si ate Vilma noong Oktubre 1 ay sinalaysay niya na dati rati ang mga kapitbahay at taga-village lamang nila ang kumakain ngunit noong natampok sila sa palabas ay dumami ang kanilang customer. Nakwento din niya noong sumunod na araw matapos nilang malaman na sila ang numero uno ay sunud-sunod ang pagdagsa ng tao sa kanilang kainan.
Dugtong pa niya, nagpunta si Rovic Wilson doon at tinikman ang kanilang lutong adobo ngunit hindi nito sinabi ang “rank” nila. Sa mismong araw na palabas ang episode nila nalaman na nanalo na pala sila.
Ang Adobo To’ ay matatagpuan sa garahe ng bahay nila Vilma Urbano at kanyang mga kapatid. Maliit ngunit at home ang pakiramdam ng kanilang espasyo. Sa counter, kung saan doon ka oorder ay makikita ang mga nakadikit na pictures ng artista na nakakain na doon.
Iba’t ibang klaseng adobo ang maari mong i-order sa kanila: adobo flakes, spicy adobo, classic adobo, cheesy adobo, aloha adobo, adobo sisig, gatang adobo, at pusit na adobo. Ang bawat order ay may kasamang kanin, kamatis, at itlog. Swak na swak ang masarap at mura nilang adobo para sa mga taong nagnanais kumain ng comfort food. Sa kasalukuyan ay nagdagdag sila ng mga silog meals pero noong sila ay nagsimula, limang taon na ang nakakalipas ay puros iba’t ibang klaseng adobo ang tampok sa kanilang menu.
Tinikman ko kasama ng aking mga officemates ang cheesy adobo, gatang adobo, sisig adobo, at spicy adobo. Napakasarap ng cheesy adobo kahit noong una iniisip ko kung babagay ba ang keso sa sabaw ng adobo. Saktong-sakto ang timpla at dami nito. Kakaiba din ito dahil ngayun lang ako nakakain ng cheesy adobo at adobong sisig. Nakakatuwa dahil ang nagsilbi pa sa amin ay isa sa may-ari at nakwento niya na sila-silang pamilya talaga ang nagtutulungan upang maitaguyod ang kanilang negosyo.
Totoo na ang adobo ay may iba’t ibang paraan ng pagluto. Ang bawat tahanan, lugar, pamilya ay may kanya-kanyang bersyon nito. Napaka-varied at madaming magagawa upang dagdagan at pagyamanin ang lasa nito.
Adobo at alaala ng tahanan
Ayon sa isang sa sanaysay na, “Food and Memory” ang pagkain ay nag-uudyat hindi lamang ng alaala ng pagkain kung hindi pati ng lugar at panahon kung kailan ito kinain.
Food is an effective trigger of deeper memories of feelings and emotions, internal states of the mind and body […]There are several reasons. First, evolution has seen to it that food in general may be a privileged target of memory in the brain. There is a part of the brain called the hippocampus (one in each hemisphere) that is critical for memory. The hippocampus is particularly important for forming long-term, declarative memories—those that can be consciously recalled and which contribute to the autobiographies that we all carry around in our heads. The hippocampus has strong connections with parts of the brain that are important for emotion and for smell. (Harvard Press Blog, May 2012)
Madaling maalala ang isang bagay o tao o karanasan lalo kung nakakabit ito sa isang pagkain.
Para naman sa akin, ang adobo ang isang pagkain na naglalaman ng maraming alaaala. Noong bata ako ito lamang ang pagkaing gusto kong kainin at kayang kainin araw-araw. Ito rin ang pagkaing madalas kong lutuin noong ako’y namumuhay mag-isa sa ibang bansa. Madali, simple, at mabilis lutuin nag adobo. Simpleng suka, toyo, oyster sauce, at bawang, may ulam at baon ka na agad. Ito rin kasi ang nagpapaalala sakin sa bahay, sa Pilipinas, at sa aking pamilya na panandalian kong iniwan. Kahit saan man dako ng mundo ako mapadpad, ang adobo pa din ang aking babalik-balikan.
Kahit anong panahon—mainit o malamig man ay angkop lutuin ang adobo. Wala kasi itong pinipiling panahon. Noong nasa ibang bansa ako may lumapit sa akin at sa isang kaibigan ko doon na matandang Amerikano. Tinanong niya kami kung kami ay Pilipino at noong sinabi naman oo, ang sunod niyang tanong ay kung paano magluto ng adobo. Medyo natigilan ako sa pangalawang tanong niya dahil nakita ko interesado at pamilyar ang lalaki sa pagkaing Pilipino. Ibinigay ng aking kasama ang kanyang bersyon ng adobo na inihaluntulad niya sa “witchcraft” bilang binubuhos niya lang lahat ng rekado samantala ang bersyon ko ng adobo ay nilalagyan ko ng konting asukal para mas lumapot ang sabaw nito kapag meydo nanuyo na ang sabaw.
Iba ang hugot ng adobo—pagdating sa lasa at appeal nito hindi lang sa mga Pilipino kung hindi pati sa mga dayuhan. Para sa akin ang adobo ay nagpapaalala sa akin ng Pilipino: iba’t iba o diverse, kayang tumagal sa hamon ng panahon (ang adobo ay medyo matagal ang shelf-life), at higit sa lahat punong-puno ng puso o lasa kahit saan man parte ng mundo dalhin.
Konklusyon
Ang pagkain (pangngalan) at pagkain (pandiwa) ay isang “sensory” na karanasan kaya naman ito tumatatak sa isipan ng tao pati ang karanasan at kwento na kaakibat nito. Napakalawak ng usaping pagkain dahil ito ay malaking bahagi ng ating kultura at pagkatao.
Nagiging takbuhan ng mga tao ang pagkain kapag siya ay pagod, malungkot, at kung bad trip. Ayon sa makata na si Nerisa Guevarra, akda ng “Reaching Destinations,” ang pagluto ay isang paraan ng pag-aalaala.
My CW student, Christine Andres, said that cooking is remembering. How apt. How true. A cook is a keeper of memory. A cook reminds us of how we were loved and how we still continue to love. Recipes are poems passed on from one generation to the next. A book as loving and as exacting as the Bible or the Koran. “This is how you were loved.” It seems to say. “This is how you must love.”
Ang pagluluto ay isang uri ng pagpapakita ng pagmamahal. Katulad na lamang sa kwento ng Adobo To’ ang mga may-ari ay napukaw gumawa ng kainan para sa alaala ng yumaong ama. Para naman sa akin, sa totoo lang kahit hindi ako marunong magluto talaga at effort para sakin iyon ay sinisikap kong matuto upang ipagluto ng masarap na putahe ang mga mahal ko sa buhay.
Sa huli, naniniwala ako na ang pagkain ay hinuhubog ng ating mga karanasan at isang malalim na bahagi ng ating pagkatao.
Ang pagkain ay isang uri ng alaala at ang pagluto ay isang paraan ng pag-alala.
Sanggunian:
Fernandez, Doreen. “Palayok: Philippine food through time, on site, in the pot” Manila: Bookmark, 2000.
GMA Network News. 17 September 2012. Web. Retrieved October 4, 2013.
<http://www.gmanetwork.com/news/story/274402/newstv/poptalk/amazing-adobo-three-must-try-restaurants>
Tacio, Henrylito. “Adobo: The Philippines’ National Dish” Sun Star Online. 31 March 2013. Retrieved October 4, 2013
<http://www.sunstar.com.ph/davao/lifestyle/2013/03/31/adobo-philippines-national-dish-275348>
Tayag, Claude. “The Adobo Identity (Crisis)” Philippine Star online. 8 March 2012. Retrieved October 4, 2013.
<http://www.philstar.com/food-and-leisure/784459/adobo-identity-crisis>
“Philippine Adobo.” Wikipedia. Retrieved October 4, 2013.
<http://en.wikipedia.org/wiki/Philippine_adobo>