Currently viewing Global Site
VisitUnited States or Middle East

Hiraya, Alaala, Palapa

By Karlanne M. Botardo|

Orihinal na larawan mula sa awtor

Tandang-tanda ko pa ang lahat.

Abalang-abala si lola sa paghihiwa ng sakurab, isang gulay na kawangis ng scallion sa Ingles at sa Mindanao lamang makikita. Dahan-dahan niya itong hinihiwa. Maninipis. Matapos nito, kanyang isinunod na hiniwa ang luya at sili. Maninipis pa rin ang hiwa ng mga ito. “Upang mas madaling maluto at talagang lumabas ang mga lasa nito,” ang paniniguro ni lola nang tanungin ko kung talagang kinakailangan bang sobrang ninipis ng pagkakahiwa sa mga nasabing sangkap. Nang matapos siyang naghiwa, kanyang pinaghalu-halo ang mga ito at nilagyan ng kaunting asin. Buhay na buhay sa ilong ang natatangi nitong amoy, matapang ngunit hindi nakakasuya.

Iginisa ni lola ang mga hiniwang sangkap. Nilagyan niya pa ito ng bawang upang lalong bumango at pinulbos na luyang dilaw upang magkaroon ng matingkad na kulay, isang katangian ng karamihan ng mga tradisyunal na pagkain ng mga Maranao. “Maaari mo nang kainin ang palapa kahit hindi na igisa,” sabi ni lola habang pinapanood ko siya sa kanyang ginagawa. Hinalo na rin niya ang tostadong ginadgad na niyog na siyang magbibigay ng manamis-namis na lasa. Labing-lima hanggang dalawampung minuto ang kanyang ginugol upang iluto ang palapa.

Ganito ang imahe ng Marawi na nananatiling malinaw sa aking gunita’t isipan. Malayo ito sa mga balitang nakapaloob sa mga diyaryo’t telebisyon. Hindi ang pagsabog ng mga bomba ang magbibigay-kahulugan sa nakaraan ng Marawi. Hindi rin ang nakaririnding putok ng mga baril ang magbibigay ng mukha sa hinaharap ng Marawi. Nagluwal man ng takot at pangamba ang nagdaang digmaan, subalit hindi nito mabubura ang tunay na mukha ng malilinamnam na mga alaala ng Marawi at ng palapa.

Sinasalamin ng palapa na mayroong manamis-namis at maanghang na sipa ang makulay na buhay at pamumuhay ng mga Maranao. Sa loob ng mahabang panahon, nabuhay kaming payapa kasama ang iba’t ibang mga taong mayroong iba-ibang mga paniniwala. Binuklod ng iisang palapa. Walang Muslim o Kristiyano. Walang bata o matanda. Walang sundalo o sibilyan. Ang tanging mayroon lamang ay ang matamis at mainit na ngiti sa harap ng hapag na siyang lalong nagpapasarap sa anumang salu-salo.

“Karaniwang tayong mga babae ng tahanan ang nagluluto ng palapa,” ang paglalahad ni lola. “Kaya kung titingnan mo, bawat tahanan ay mayroong kani-kanilang bersyon ng palapa,” dagdag pa niya. Pagbibida naman ni lolo na ang palapa ni lola ang kanyang sekreto kung bakit lalong sumasarap ang mga ulam na kanyang iniluluto.

Dahil dito, masasabing ang palapa, tulad ng mga ilaw ng tahanan, ang siyang bumubuo sa anumang lutuing hinahain. Ito ang siyang nagbubuklod sa lahat magkakaibang mga panlasa. “Ang palapa rin ang bumuhay at nagbigay ng pag-asa sa amin no’ng lumikas kami papuntang Pantar para makaiwas sa giyera,” pagkukuwento ni lola. “Umasang makabalik sa Marawi at gagawa pa ng ibang bersyon ng palapa,” dagdag ni lola.

Sa ngayon, malayo man ako sa kanila lola ay mananatiling malinaw ang lahat. Hindi mabubura ng distansya ang minsang masasarap na mga alaala na siyang pumawi sa aking gutom na isipan. Nasaan man ako, ang palapa pa rin ang babalik-balikan ko.