Currently viewing Global Site
VisitUnited States or Middle East

Haroan nga Tamsak kag Sinamak: Kagat ng Alaala, Linamnam ng Ligaya, Sawsawan ng Panibagong Pag-asa

By Roel Tulayba|

Orihinal na guhit ng awtor

“Problemado ka na naman pre? Aba’y ilabas ang sinamak at lasapin ang sarap na tumpak! Isalang ang Haroan at tikman ang linamnam ng kinabukasan.”

Dito sa probinsya, ito ang kadalasang naririnig ko kay tatay sa tuwing may kabarkada itong pumapasyal sa bahay. Tila isa na itong salawikain para sa akin. Natutuwa talaga ako kapag naririnig ito at hindi lang ako ha kasi halos lahat ng kapitbahay namin. Kapag maririnig nila ang bawat tunog ng mga salitang bumubuo sa pangungusap na ito sumasabay narin ang ngiti sa kanilang labi, padyak ng mga paa, at sigaw ng presensya bilang paalala na handa na’t paparating sila. Naging abala ang lahat, lumusog sa sapa ang mga kalalakihan, hinanda ang pantuhog na kawayan, tsaka sinimulan ang paghuli sa mga Haroan (catfish). Nagsilabasan narin ang mga kababaihan, sinimulan ang apoy sa maliit na espasyo ng tambayan. Kasabay ng lumalagalab na apoy nito ang nanunuyong init at anghang nang inilabas na ni itay ang ginawa niyang Sinamak (Ilonggo’s fiery vinegar dip). Doon ay naghiyawan na ang lahat, sinimulan ang paglinis sa mga nahuling Haroan, tatlong beses na ginuhitan ng kutsilyo sa magkabilang panig, binubod sa asin,biniyak ng bahagya sa giliran at saka pinasok ang tinadtad na sibuyas,bawang, luya at kamatis. Matapos ito ay isinalang na sa katamtamang init ng uling. Sinimulan ang pag-ihaw kasabay ng masayang padyak at hiyaw. Makalipas ang ilang minuto ay…” Luto na mga pre, din natu ang may problema kay gaan ta solusyon na aa. Tilawi ni bala kag magsinadya ta!” wikang Ilonggo na ang ibig sabihin ay “Nasaan na ‘yong may problema, punta ka dito pre at bigyan natin ng solusyon yan. Tikman muna at tayo’y maging masaya!” Kinamay ang malinamnam na karne ng haroan, sinawsaw sa sinamak. Talagang malalasap ang perpektong asim-anghang na hahanap-hanapin ng lalamunan.

Ngunit ang isa sa mga di ko malilimutang kuwento sa haroan at sinamak ay noong isang araw, nang ako’y makapagtapos sa senior high. Dahil laki sa hirap at nasa probinsya di na talaga ako nag-abang ng kung anong handa sa mga panahong iyon pero tumulo ang luha ko sapagka’t halos nakalimutan na ni tatay na batiin manlang ako sa aking graduation. Binalot ako ng lungkot at inakalang di niya ako mahal at mas mahal pa niya ang kanyang mga barkada na sa tuwing pupunta sa bahay ay laging pinaghahanda ng ihaw. Kahit isang “Congrats anak!” at “Ihaw tayo ng haroan!” sapat na sakin. Pero wala… wala! Nang biglang… “Mga pre, mare, mga kapitbahay… Graduate na ng high school ang anak ko! Yohoooo!” muli akong naluha sa galak ng marining ko ito kay itay. “Aba’y ilabas ang sinamak at lasapin ang sarap na tumpak! Isalang ang Haroan at tikman ang linamnam ng kinabukasan. Surprise anak! Haha! Hinding-hindi ko makakalimutan ang graduation mo noh. Mahal na mahal kaya kita.” Para akong nananaginip sa mga narinig ko, sinurpresa lang pala ako ni itay. Laking tuwa ko lalo pa nang nilabas niya mula sa tinago-tagong sulok ng kusina ang ginawa niyang sinamak. Iba ito sa mga ginagamit niya tuwing darating ang barkada niya. Mukhang bago ito at kitang-kita sa bote neto ang “tuba” o suka na galing sa niyog na siya namang nilagyan ng iba pang pansarsa tulad ng ahos, bawang at pinaanghang ng siling pula sa ilalim at siling berde sa ibabaw. Perpektong kombinasyon na pinatibay ng panahon sapagkat kinailangan muna itong itago ng halos kalahati hanggang isang taon para matikman ang tunay na lasap kaakit-akit. Ibig sabihin, pinaghandaan talaga ito ni itay para sakin? Ibig sabihin matagal na niya itong naiplano para sa pagtatapos ko? Yinakap ako ni itay at sa mahigpit na yakap niya ay nagsisilabasan na rin ang mga kapitbahay, dala-dala ang mga haroan sabay sa pagbati sa aking pagtatapos. Muling inihaw ang haroan, inihanda sa mesa, at sinawsaw sa umaalab na sarap ng sinamak.

Doon ko napagtanto na ang kuwento ng “haroan nga tamsak kag sinamak” ay hindi lang para kalimutan ang problema at maging masaya ngunit ito rin ay kuwento ng paglasap sa tagumpay. Hindi lamang ito basta isang kultura o tradisyon ng bawat probinsyanong Ilonggo, ngunit ito’y tungkol sa isang pangarap na sinimulan sa kagat ng alaala, linamnam ng ligaya at sawsawan ng panibagong pag-asa.