Currently viewing Global Site
VisitUnited States or Middle East

Haplos ng Kusinanay

By Maria Luisa C. Juanson|

Sa murang edad pa lamang ay nabuksan na ang hilig ni Luisa sa pagluluto. Ang ina niya ay tubong Pampanga habang ang ama naman niya ay tubong Bicol. Ang yaman ng kultura sa kulinarya ng dalawang lugar na ito ang naging pundasyon ng pagluluto ni Luisa. Mula sa pagbalanse ng anghang, tamis, at alat hanggang sa paggawa ng iba’t ibang putahe ng pagkain ang hindi matatawarang pamana na nakuha niya mula sa kanyang mga magulang.

Simula ng magka-pamilya, nilaan ni Luisa ang buong oras sa pagiging maybahay. Nais niyang matutukan ang kanyang mga anak at siguraduhing maging malusog ang mga ito. Sa mga libreng oras na mayroon siya, pageeksperimento ng iba’t ibang pagkain ang kanyang ginagawa lalo na’t ang mga bata ay hindi gaanong mahilig sa gulay. Nagagawa nyang gumawa ng mga ulam na may kahalong gulay na hindi napapansin ng kanyang mga anak. Ang paraan ng kanyang pagluluto ay kanya na ding naibahagi sa kanyang mga kapatid at kaibigan.

Sa paglipas ng panahon, talaga namang nahasa ang kaalaman ni Luisa sa pagluluto. Ang pagsali sa iba’t ibang kompetisyon sa pagluluto ang nagbukas ng pinto para maipakita ni Luisa ang kanyang husay sa larangan ng kulinarya. Ilang paligsahan na din sa pagluluto ang kanyang naipanalo at naimbitahan na din sya na maging panauhin sa isang istasyon ng radyo upang ibahagi ang kanyang kaalaman sa kusina.

Sa bawat niluluto ni Luisa, sinisigurado niya na ang bawat kalidad ng sangkap na gagamitin ay maayos at angkop sa lulutuin. Sa tagal na din ng pagluluto niya, may mga bagay na hindi na maaalis sa kanyang kusina. Isa na ang Mama Sita’s sa mga tatak na talaga namang kanyang pinagkakatiwalaan. Hindi mapapantayan ang dagdag na sarap na
naibibigay ng Mama Sita’s sa bawat lutuing kanyang ginagawa. Tunay ngang pamanang sarap ang hatid nito sa kanyang mga lutuin.

Isa sa kanyang mga eksperimento ay ang Sanchos. Ito ay maikling termino para sa Santol Nachos. Nakuha niya ang ideyang ito nang magluto ang kanyang ama ng Ginataang Santol, isang popular na putahe mula sa Bicol. Naisipan niya na maari niya din gamitin ang santol sa ibang paraan. Ito ang sangkap at paraan ng pagluto ng Sanchos:

Sangkap:

  • Ginadgad na Santol, ½ kg
  • All Purpose Cream, 250 mL
  • Mama Sita’s Oyster Sauce, 2 tbsp
  • Giniling na Baboy, ¼ kg
  • Gatas, 300 mL
  • Siling Labuyo, 5 pcs
  • Nachos, 1 pack
  • Sibuyas, 2 pcs
  • Bawang, half clove
  • Karots, 1
  • Pipino, 1
  • Asin, TT
  • Paminta, TT

Paraan ng Pagluluto:

  1. Ibabad ang giniling na karne sa Mama Sita’s Oyster sauce ng mga dalawang oras.
  2. Gadgarin at pigain ang santol.
  3. Isalang ang kawali.
  4. Sa kawali, igisa ang bawang at sibuyas.
  5. Isunod ang binabad na giniling na karne.
  6. Pagkatapos ng 5 minuto, isunod ang ginadgad na Santol.
  7. Idagdag ang all-purpose cream at gatas.
  8. Idagdag ang asin, paminta.
  9. Pagkatapos lutuin, ilagay sa plato ang Sanchos. Ilagay ang karots, Pipino, Sibuyas at Siling Labuyo.
  10. Ilagay ang Nachos sa gilid ng putahe.