Gisang Maligosu

Photo: Ginisang Maligoso / Sauteed Carpetweed
“Maligosu! Maligosu!”
Bakas ang hapo sa sigaw ng malaking mama. Tagaktak ang pawis. Humahangos. Naghahabol ng hininga habang itinatabi ang sinakyang lumang bisikleta.
Halata sa balat ang haplos ng araw mula ulo hanggang paa. Namumula.
“Saktong sakto! Gutom na ako!”
“Teka. Umutang ka muna ng pang-gisa sa suki mong tindera.”
Hindi pa ako nakalalayo, dinig ko na ang kalansing ng siyanse. Dumampi sa kawaling matanda pa sa amin ni Ate. Hinugasan sa tubig ng matandang poso—minana pa sa matagal nang namayapang Lolo.
“Bilisan mo nang makakain na!”
Kumaripas ako ng takbo. Saglit na bumili. Dali-daling umuwi.
“Pagmasdan mo ang gagawin ‘ko. Para tiyak na malama’t matandaan mo.”
Pinainit niya ang kawali sa kalan. Paunti-unting hinipan ang manipis na tubong namantsahan ng mumunting kalawang. Lumagablab ang apoy. Tinanggal niya ang ilang kahoy. Pinalitan ng maliliit na piraso ng malutong na kawayan—na ilang araw nang nakabilad sa may sakahan.
Marahan niyang hiniwa ang sibuyas at bawang. Kagyat na iginisa sa mainit na mantika.
“Hindi na mahalaga kung alin ang dapat mauna. Ikaw naman kasi ang bahala.”
Sunod niyang inilagay ang ilang maliliit na hiwa ng kamoteng gapang. Kwento’y pinulot mula sa kalatong na bigay ng kaibigan.
Nang maging ginintuang kayumanggi ang hitsura, inilagay ang hinati-hating kamatis na ‘di maikakailang sariwa. Pagmamalaki niya’y libre—sa taniman ng matagal na niyang kumpare.
“Hinay-hinay lang!” Buong lambing niyang ibinulong habang inilalahok ang maligosong luntian ang dahon.
“Wala na ‘tong ugat. Hinimay ko na’t tinanggal din ang damong pakalat-kalat.”
“Pakiabot nga ang asin at nang bahagyang umalat!”
Sandaling pinakuluan. Marahang tinikman.
Umiling-iling. Nagbudbod ng kaunti pang asin.
‘Di pa man nakaulit ang manok sa malakas na pagtilaok, naisalin na niya agad ang maligoso sa isang mangkok.
“Kain na tayo. Mas masarap ‘to kapag bagong luto.”
Mukhang makakarami na naman ako ng kanin! Hmmmm…Magkahalong tamis, pait, alat, at asim!”
Gaya na lamang ng buhay na pinagsamahan namin.
Taong 1993 nang umalis ako sa Guagua. Nilisan ko ang buhay sa tubigan para pakasalan ang lalaking nangako ng wagas na pagmamahalan. Iniwan ko ang Duck Island. Lumipat sa Porac—isang bayan din sa Pampanga na kanyang kinalakihan.
“Masasanay ka rin. Matututuhan mo ‘rin.”
Paulit-ulit niyang bilin sa ‘kin sa tuwing nakalilimutan ko kung paano lutuin ang maligosong paborito niyang kainin.
Ano nga bang aasahan mong iluluto ng isang babaeng gaya ko? Ano bang alam ko, e, laking tubig nga ako? Malamang sa malamang, wala akong ibang inatupag kundi ang alamang!
Pero dati pa ‘yon. Malaki na rin kasi ang pinagbago ko ngayon.
Tinatalunton ko na ang pilapil. Dumarayo na rin sa iba’t ibang tanima’t lupain. Nilalakaran pati ang mga tuyong palaisdaan. Lagi ring makikita sa malalayong sakahan.
Alam mo ba kung ano ang kinakalap ko?
“Maligoso!”
“Tama ang sinabi mo!”
“Dahil iyan ang impluwensiya sa akin ng Tatay mo.”
Masayang kwento ng nanay ko habang kumakain kami ng ginisang maligoso…habang pinagmamasdan ang tatay kong abala sa pag-aararo.