Binuburan at ang Nakalalasing na Saya ng Tagumpay ni Lola

Photo: Binuburan, as a dish and once perfectly made, can be a viand, a dessert, an appetizer, or an alcoholic drink.
Bago tuluyang sumikat ang araw, abala na si lola sa pag-aayos ng kanyang paninda. Sa isang bilaong kanyang nilinyahan ng dahon ng saging ay inilalagay niya ang binuburan na kanyang ginawa, binuro, at tinimplahan. Alagang-alaga. Dahan-dahan.
Ganito ilarawan ni nanay si lola—kayod-kalabaw, masiguro lang na hindi magugutom ang limang anak. Para kay lola, walang mahirap na gawain ang hindi niya kayang gawin para sa kanila. Umulan man o umaraw.
Labing-dalawang taong gulang si lola nang kanyang natutunan ang paggawa at paghahanda ng binuburan. Itinuro pa ito sa kanya ng kanyang ina na isa ring tiga-tinda ng nasabing pagkain. Sa loob ng apat na dekada, ang kalye sa harap ng simbahang Independensya sa Dagupan ang kanyang naging paaralan, palaruan, tahanan.
Hindi nakapagtapos ng pag-aaral si lola dahil sa kahirapan, isang bagay na hindi niya nais ipamana sa kanyang mga anak. Si lolo naman ay isang construction worker. Kung walang gagawing bahay, wala ring kita. Kaya’t mag-isang pinasan ni lola ang obligasyong buhayin at pag-aralin ang kanyang mga anak.
Kuwento sa akin ni nanay, walang may alam kung kailan gumagawa ng binuburan si lola sapagkat upang maging maayos ang pagbuburo ng kanin at ang paglabas ng katas ng alak ay dapat itong maging sekreto. “Bawal din ang nagdadaldal habang gumagawa ka ng binuburan,” dagdag pa ni nanay.
Nang mapagtapos ni lola ang limang anak at nagkaroon ng sari-sariling mga trabaho, itinigil na rin ni lola ang kanyang pagtitinda. Subalit hindi doon natuldukan ang tradisyon ng paggawa ng binuburan ng pamilya. Sa ngayon, tanging si nanay na lamang ang alam kong naghahanda nito sa tuwing may espesyal na okasyon. Gayunpaman, hindi ko pa rin nakita ni isang beses kung paano niya ito ginagawa. Bagkus, itinuro lamang niya ang prosesong ipinasa sa kanya ni lola.
Sabi ni nanay, ibinababad niya sa tubig ng buong gabi ang bigas na kanyang gagamitin sa paggawa ng binuburan. Kinabukasan, kanya niya itong lulutuin. Matapos nito’y palalamigin ang kanin upang hindi masira ang bubur na siyang buburo sa kanin. Ihahalo na ni nanay ang bubur sa kanin sa oras na lumamig na ito. Dalawang kutsarita ng pinulbos na bubur sa bawat dalawang tasa ng kanin. Itatabi. Hihintayin ang 2-4 na araw hanggang sa ito’y maburo at sumabaw.
Hindi tulad ng ibang binuburan, lalagyan lamang ito ni nanay ng tubig na may asukal kapag ito’y naburo na nang husto. Ang purong sabaw mula sa binuburan ang siyang nakalalasing. Sa katunayan, ito ang unang yugto ng paggawa ng tapay, isang uri ng alak.
Huling gumawa si nanay ng binuburan nitong Bagong Taon lamang. Si lola ang unang tumikim. Banaag sa kanyang mga mata ang tuwa at sigla, mga bagay na hatid ng binuburan sa kanya at sa kanyang pamilya. Sa tingin ko, natuwa ang kapalaran sa nakalalasing na saya ng binuburan. O marahil, natuwa ang mga santo sa binuburang kanyang handog sa altar sa tuwing may okasyon. Subalit ano’t anupaman, bahagi na ito ng aming paglalakbay—tradisyong minana pa ng aking nanay sa kanyang nanay, at nanay ng kanyang nanay.