Adobong Biya sa Ilalim ng Punong Mangga

Nakakatuwang isipin na may mga simpleng bagay sa mundo na magpapa-alala sa masasayang kaganapan sa buhay. Minsan di mo rin akalain na may mga taong darating na lang sa buhay mo upang makumpleto ang hinahanap ng puso.
Lumaki ako na halos hindi ko alam ang tunay na kahulugan ng pagkakaroon ng isang ama. Pinanganak ako na wala ang aking ama dahil piniling magbakasali na makahanap ng magandang oportunidad sa Amerika. Nagkaroon ng pagkakataon na makasama ng apat na taon pero umalis din uli na hindi man lang nabigyan ng pagkakataon upang mapaglapit at makilalang mabuti ang isa’t isa. At mula noong 1984, sa edad na dose anyos hanggang sa ako ay mag-asawa at magkaroon ng tatlong anak hindi ko na siya nakasama at nakita.
Mahirap din pala ng walang ama na magtatanggol sa oras ng kailangan mo. May mga bagay o katanungan sa isip at sa puso ko na ama ko lang ang makakasagot. Nung maranasan ko na masaktan at maloko ng aking asawa, lagi kong wish na sana andoon ang tatay ko para ipagtangol niya ang panganay niyang anak. Pero mahirap mang isipin at tanggapin, naroon siya sa malayo at may iba nang pamilya.
Taong 2003 noong tuluyan na kaming maghiwalay ng aking asawa. Mag-isa kong tinaguyod ang aking mga anak kaya kahit anong trabaho at raket ginagawa ko para lang mabuhay kaming mag-iina. Napasama ako noon sa isang grupo na akala ko ay totoong may mga binebentang gold bars. Nagbabakasakali ba na makatagpo ng oportunidad at mabago ang buhay.
Isang araw, sabi ng kasama ko may isa na daw kaming positive deal kaya sumama daw ako sa Cubao dahil doon daw makikipagkita ang buyer nila. Sa kakahintay namin sa halos buong maghapon, walang buyer na dumating. Naisip na lang namin na kumain sa Jollibee sa may Coronet Theater pampalubag sa mga sarili. Sa kinauupuan namin may isang matandang lumapit sa akin at nag sa-sign language. Nais pala nitong maki-share sa aming lamesa.
Kilala pala siya ng kasama ko na si Ate Cynthia at isa din sa mga katulad ko na naghihintay sa isang buyer na bogus naman pala. Akala ko noong una isa talaga siyang pipi pero kaya lang pala nagsa-sign language dahil may tonsillitis siya at maga ang kanyang lalamunan kaya nahihirapan magsalita.
Siya si Tatay Lando, isang senior citizen na taga Darangan, Binangonan Rizal. Isang biyudo at kamamatay lang ng kanyang mahal na asawa. May dalawang anak na lalaki at ang isa ay isang kilalang doctor sa Binangonan.
Naging masaya ang una naming pagkikita. Kahit hindi siya makapagsalita ng maayos, nagagawa pa din niyang magpatawa. Pero lingid sa aking kaalaman, ang masayahing Tatay Lando ay may tinatagong lungkot din palang tulad ko.
Naulit muli ang aming pagkikita. Kahit alam namin na imposible ang transaksiyon na ginagawa namin, parang doon kami humuhugot pareho ng lakas para sa tinatawag na pag-asa. Isang araw, niyaya niya kami ni ate Cynthia na pumunta sa Darangan. Madami daw bunga ang kanyang punong mangga at ipagluluto daw niya kami ng masarap na tanghalian.
Natatandaan ko pa, sabado noon iyon at sa una kong paglalakbay mula Marikina hanggang Darangan ay parang napakalayo at nakakapagod dahil napakatagal ng biyahe sa jeep. Mahigit sa dalawang oras ang biyahe at pareho na kaming gutom ng kasama ko ng makarating kami sa Darangan. Ngunit napawi lahat ng pagod namin ng salubungin kami ni Tatay Lando na puno ng kagalakan sa aming pagdating.
Maliit lang na bahay na tinitirhan ni Tatay Lando. Sa ilalim ng punong mangga naroon ang bahay ni Tatay Lando. Masarap ang simoy ng hangin sa lugar na iyon at tanaw na tanaw namin ang lawak ng Laguna de Bay sa ikalawang palapag ng bahay na kung saan may maliit na lamesa at ilang upuan. Naalala ko tuloy ang buhay ko noon sa probinsiya kung saan ako lumaki. Simple lang ang buhay, pero masaya.
Sabi ni Tatay Lando, masarap kumain sa ilalim ng punong mangga nang nagka-kamay. May nakahanda na noon na baso at pinggan sa lamesa. Nakita ko ang mga bagong pitas niyang Indian mango at nag volunteer ako na ako na ang bahalang maghanda para may pampagana kami. Halos patapos na ako sa huling manggang binabalatan ko nang yayain na niya kaming maghanda na upang kumain.
Napakasarap ng amoy ng kanyang nilutong ulam. Sa amoy pa lang alam kong ito ay adobo. Niluto niya ito sa palayok at pati na ang bagong saing na kanin ay sa palayok din niya niluto. Para talaga akong bumalik sa nakaraan noong ako ay bata pa; lagi ako sa kusina para panoorin si Nana Auring kung paano siya magluto sa palayok. Si Nana Auring na aming kasambahay ang aming tagaluto at si Tata Luis naman ang aming hardinero na sa tuwing hapon ay umiinom ng Sioktong at kumakanta sa likod ng kusina. Napakasaya lagi ang aming hapon dahil kaming tatlo lagi ang nasa kusina para magkantahan, magbiruan, at magtulungan sa paghahanda ng hapunan. Maagang nawala si Nana Auring at Tata Luis, pero hindi ko sila makakalimutan dahil para sa akin sila ay kapamilya. Isa ito sa mga aking masasayang alaala ng aking kamusmusan na masarap balik-balikan tuwing nakakakita ako ng luto sa palayok.
Nang buksan ni Tatay Lando ang palayok, umaliwasaw ang sarap ng kanyang niluto. Adobong Biya pala ang aming masarap na tanghalian at bagay na bagay ito sa aming manggang hilaw. Habang kanya-kanyang naglalagay ng ulam at kanin sa kani-kaniyang plato, doon na nagsimula ang kuwento ng aming mga buhay.
Rolando B. Cabanes at Maridel R. Pacleb
Bawat subo sa masarap na Adobong Biya, katumbas nito ay kuwento ng buhay ni Tatay Lando. Adobong Biya ang paboritong ulam ng kanyang yumaong asawa. Mahal na mahal niya ito at noon ay nangarap sila na magkaroon ng anak na babae. Dahil dalawang lalaki ang naibigay ng Diyos sa kanilang mag-asawa, umasa sila na sana ang mapangasawa ng kanilang dalawang anak ay ituring silang parang magulang din. Ang kanilang panganay na anak na si Kuya Dar na isang doctor, nakapag-asawa ng isang doktora na napakabait at matulungin sa kapwa. Ngunit sa kasamaang palad, namatay ito sa pneumonia at hindi na muling nag-asawa si Kuya Dar at nagdesisyon na sa Amerika na lang manirahan. Ang bunso naman nilang anak na si Kuya Dennis ay maagang nag-asawa, ngunit ang napang-asawa naman ay makasarili at ayaw ilapit ang sarili at ang mga anak sa kanila. Kaya noong namatay ang asawa ni Tatay Lando, wala na siyang ginawa kung hindi sumama sa mga treasure hunters para malibang lang ang sarili hanggang sa makilala niya ako.
Napakasarap ng Adobong Biya sa palayok ni Tatay Lando. Tamang-tama ang timpla ng bawat sangkap at nagmamantika ang biya sa sariling katas nito na halos ubusin ko ang sabaw ng adobo para ihalo sa mainit na kanin. Nakita ko at naramdaman ko sa araw na iyon na may isang tao na naghahanap ng pagmamahal ng isang anak. Noon ko din naramdaman ang pangungulila ng isang anak sa isang ama. Para kasing anak kung asikasuhin ako ni Tatay Lando at paulit-ulit niyang sinasabi na kung buhay lang ang asawa niya, magiging masaya din ito na makasama ako at makasalo sa kanilang paboritong adobong biya.
Mula noon, itinuring na akong anak ni Tatay Lando. Mula din noon siya na ang kinikilala kong ama na handa akong ipagtanggol at handang sumuporta sa mga adhikain ko sa buhay. Mula din noon hanggang ngayon pinagsasaluhan pa din namin ang adobong biya sa ilalim ng punong mangga. Dahil sa bawat subo ng kanin at adobong biya, ito ang nagpapaalala sa mga taong nagpasaya sa aming buhay at kung paano nagsimula ang pagtatapos ng paghahanap ng ama sa isang anak, at anak sa isang ama. Hindi man magkadugo, pero nagkakaisa ang aming puso at isipan sa ngalan ng ama at anak.